ALAMADA, Lalawigan ng Cotabato (PIA)—Mayroon nang access sa Science and Technology Academic and Research-Based Openly Operated Kiosks o STARBOOKS technology ang Barangay Kitacubong sa bayan ng Alamada.
Ito ang pinakaunang STARBOOKS na itinurn-over sa mismong barangay local government unit (BLGU) sa nasabing bayan.
Kaugnay nito, sumailalim sa users training kamakailan ang mga empleyado ng BLGU upang mabigyan ang mga ito ng sapat na kaalaman sa tamang paggamit ng teknolohiya.
Ayon kay Michael Ty Mayo, provincial director ng DOST-Cotabato, ang STARBOOKS na ibinigay sa barangay ay lubos na mapakikinabangan din ng mga mag-aaral ng Madrasa Islamic School sa komunidad. Aniya, nasa higit 100 ang estudyante sa nasabing paaralan na pwedeng gumamit ng naturang teknolohiya.
Nabatid na maliban sa pagsasanay at pagturnover ng DOST-developed STARBOOKS, ibinigay din sa sa benepisyaryong barangay ang iba pang kagamitan para sa wi-fi connectivity at iba pang learning materials, alinsunod sa mandato ni DOST XII regional director Sammy Malawan kaugnay sa pagpapatupad ng program.
Sa pamamagitan ng STARBOOKS, mabibigyan ang mga mamamayan, lalo na ang mga mag-aaral ng access sa modernong learning resources na makatutulong sa kanilang pag-aaral.
Ito rin aniya ay tugon sa kakulangan sa access sa mga impormasyon tungkol sa science and technology ng kabataan sa malalayong lugar.