LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Abot sa P384 milyon halaga ng pondo mula sa Block Grant ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang ilalaan para sa school-based feeding program ng 160,000 na batang mag-aaral sa rehiyon.
Ito ay ayon sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE-BARMM) na layong masiguro na lahat ng batang mag-aaral sa rehiyon ay makakakuha ng sapat na nutrisyon habang nasa paaralan.
Sinabi ni MBHTE minister Mohagher Iqbal na isinusulong ng ministry ang pagkakaroon ng healthy eating habits sa pamamagitan ng nabanggit na programa upang masiguro aniya na ang mga batang estudyante ay kumakain ng mga masusustansyang pagkain na makatutulong upang sila ay maging mas masigla sa paaralan.
Matatandaang taong 2018 nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Republic Act No. 11037 o ang “Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act,”na bumuo sa National Feeding Program para sa undernourished public-school children sa mga daycare center, gayundin sa mga nasa kindergarten hanggang Grade 6.
Kaugnay dito, suportado rin ng pamahalaan ng BARMM ang mga inisyatiba ng kanilang mga humanitarian partner para sa home-grown feeding programs sa rehiyon na magbibigay ng malusog at masustansyang pagkain sa mga bata. (With reports from MBHTE-BARMM).