No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DENR NCR, nakiisa sa paglulunsad ng HAPAG sa Barangay

LUNGSOD QUEZON, (PIA) – Nakiisa ang regional office ng Department of Environment & Natural Resources sa National Capital Region sa paglulunsad ng "Halina't Magtanim ng Prutas at Gulay sa Barangay (HAPAG)" sa 3S Center ng Barangay Ugong, Valenzuela City noong Martes, Pebrero 28, 2023.

Ang HAPAG sa Barangay nakabatay sa Memorandum Circular No. 2023-001 ng Department of Interior and Local Government (DILG) na naglalayong hikayatin ang mga barangay na magtanim ng prutas at gulay upang makatulong sa pagtitiyak sa suplay ng pagkain ng bansa.

Dumalo sina DENR National Capital Region Assistant Regional Director for Technical Services, Engr. Ignacio R. Almira Jr.; Production Forest Management Section (PFMS) chief, Forester Arturo G. Calderon; at Metropolitan Environmental Office-North (MEO-North) Deputy Director Forester Olga O. Arzadon sa ginawang paglulunsad.

Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni ARD Almira ang pakikiisa sa proyekto at na nahahanda umano ang DENR National Capital Region na magbigay ng punla ng mga puno ng prutas sa ating mga barangay. Ibinida pa niya ang Community PanTREE project ng tanggapan na may kaparehong layunin ng HAPAG sa Barangay.

“Inilunsad ng DENR National Capital Region ang Community PanTREE project noong 2021 upang magbahagi ng punla ng mga punong prutas at gulay bilang ‘ayuda’ sa ating mga kababayan dito sa Metro Manila na lubhang naapektuhan ng pinahigipit na quarantine measures noong mga panahong iyon,” pahayag ni Almira.

“Ito ang naging tugon ng ating tanggapan sa panawagan na pagkakaroon ng mga alternatibong pagkukunan ng pagkain ng ating mga kababayan sa panahon ng krisis.” Mabuti umanong magkaroon ng tanim na prutas at gulay sa mga bakuran o bakanteng lugar sa ating bahay para may mapagkunan ng makakain at makatulong na rin sa kampanyang gawing luntian ang Metro Manila,” dagdag pa ni Almira.

Binigyang-diin din ni Almira ang taos pusong suporta ng tanggapan sa proyekto pamamagitan ng MEO-North.

“Nais nating malapit sa ating mga kababayan ang DENR National Capital Region kung kaya nagtayo tayo ng mga field offices. Isa na nga rito ang MEO-North na itinalagang makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan CAMANAVA (Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela) para sa pagpapatupad ng mga batas at proyektong may kinalaman sa pangangalaga at pagpapaunlad ng kapaligiran at likasyaman dito sa hilagang bahagi ng Metro Manila”, dagdag ni Almira.

Ang paglulunsad ay pinangunahan ang Bise-Alkade ng lungsod Valenzuela Lorie Natividad-Borja, kasama si Konsehal Jon Jon Bartolome, Pangulo Liga ng mga Barangay, at Kagawad Michael Mayol, pangulo ng Samahan ng mga Barangay Kagawad (SABAK) ng Valenzuela City. (denr-ncr/pia-ncr)

About the Author

Alaine Allanigue

Writer

NCR

Feedback / Comment

Get in touch