No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga taga-Mindanao malaki ang ginampanang papel para sa kalayaan ng bansa

LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Nanawagan si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman nitong Sabado, Marso 4, para sa pagkakaisa ng mga Pilipino, habang binibigyang diin ang pagpapahalaga sa kalayaan na hindi ito para sa iilan lang kundi para sa lahat.

Nakatataba nga naman ng puso na kahit nagmumula tayo sa ibang rehiyon ng bansa, iisa pa rin ang pintig ng ating damdamin — ang pagmamahal sa inang bayan. Kaya naman pagkakaisa — o unity — ang panawagan ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil ang paglayang minamahal ay hindi naman para sa iilan lamang, kundi para sa lahat,” sinabi ni Pangandaman sa kanyang pananalita sa panimulang programa ng unang 100 araw para sa ika-125 na anibersaryo ng araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite

Ang Kalihim ang unang Maranao na nagsalita sa pagdiriwang ng anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas.

Bilang natatanging miyembro ng gabinete na Muslim, ako po ay lubusang nagagalak sa aking pagdalo dito dahil—kung hindi po ako nagkakamali—ito ang kauna-unahang pagkakataon na isang Maranao ang magsasalita sa okasyon ng pagdiriwang ng anibersaryo ng ating kalayaan.”

Ipinunto ni Pangandaman na hindi dapat kalimutan ng mga Pilipino na ang kalayaang kanilang tinatamasa ay bunga ng kagitingan at sakripisyo ng kanilang mga ninuno.

Idinagdag din ni Pangandaman na ang kasalukuyang henerasyon ay dapat na ipagpatuloy ang adhikain para sa isang mas mahusay, mas maunlad, mas mapayapang kinabukasan, na tinutukoy na ang “Agenda for Prosperity” ng Administrasyong Marcos ay naglalayon ng pagbabagong pang-ekonomiya tungo sa buhay na sama sama (inclusive) at sustinable para sa lahat ng Pilipino.

Sinisikap po ng kasalukuyang administrasyon na maiangat ang buhay ng bawat mamamayan sa pamamagitan ng paglago ng ekonomiya. At unti-unti ay nakakamit na po natin ito. Nung taong 2022, ang ating Gross Domestic Product o GDP ay lumago ng 7.6 percent, higit pa sa mga pagtataya ng pinakamagagaling na ekonomiya hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo. At para maramdaman naman ng lahat ang kasaganahan, sinisikap din namin na maiparating ang mga proyekto ng ating gobyerno, hindi lamang sa Metro Manila, kundi mula Aparri hanggang Tawi-Tawi,” ani Pangandaman.

Binanggit niya ang mga hakbangin ng pamahalaang nasyunal, na kinabibilangan ng mahigit P66 bilyong ‘block grant’ sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang tulong na ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng devolution, at ang mga pagsusumikap sa digitalization upang itaguyod ang kahusayan sa burukrasya, transparency, at pananagutan.

Si Pangandaman, sa parehong okasyon, ay nagbigay pugay sa aktibong papel na ginampanan ng kanyang mga kapwa Muslim sa paglaban para sa kalayaan at kalayaan laban sa mga dayuhang kolonisador.

Dito sa Kawit unang iwinagayway ang ating bandila, ngunit maipagmamalaki naman naming mga taga-timog na masigasig at magiting na ipinaglaban ng mga taga-Mindanao ang ating lupang sinilangan. Kaya naman, mahigit tatlong daang taon ang pagsakop ng mga Kastila sa Luzon at Visayas, ngunit hindi nasakop ng mga dayuhan ang Mindanao. Dahil matinding ipinaglaban ng mga Moro ang ating lupa, pati na rin ang kultura, patakaran, at paniniwala ng mga taga-Mindanao. Kaya malayo man kami sa Kawit, kasali po kami sa pagpapasalamat para sa kasarinlan ng Pilipinas at sa pagmamalaki ng katanyagan ng ating lupang sinilangan,” ani Pangandaman.

About the Author

Alice Sicat

Information Officer IV

NCR

Assistant Regional Director of PIA-NCR

Feedback / Comment

Get in touch