KORONADAL CITY, South Cotabato (PIA) -- Lubos ang pasalamat ng National Nutrition Council 12 sa patuloy na suporta ng Regional Development Council 12 sa mga programa at layunin ng ahensiya, partikular sa pagsulong ng mga programang pangnutrisyon.
"We are happy to hear that the Regional Development Council is considering nutrition as one of the priority agenda in the region because it's high time na tutukan natin ang malnutrisyon," pahayag ni Retsebeth Laquihon, regional nutrition program coordinator, sa paglunsad ng pagdiriwang ng Buwan ng Gatas sa Rehiyon Dose.
Ayon kay Laquihon, ang pagdiriwang ng Buwan ng Gatas ay makatutulong ng malaki sa nagkakaisang gawain ng iba't ibang sektor para isulong ang Aksyon para sa Nutrisyon.
Matatandaang, inilunsad nitong nakalipas na Huwebes. Marso 2, ang kauna-unahang pagdiriwanang ng "Buwan ng Gatas" sa Rehiyon Dose o Soccsksargen Region.
Ang Soccsksargen din ang nag-iisang rehiyon sa buong bansa na nagtalaga ng isang buong buwan para isulong ang kaalaman sa gatas bilang pangkabuhayan at bilang suporta sa adhikain ng Republic Act 11037 o "Masustansiyang Pagkain Para sa Batang Pilipino."
Tampok sa isang buwan na selebrasyon ang mas pinalawak na milk feeding program, mas pinaigting na adbokasiya sa kahalagahan ng gatas sa nutrisyon, data benchmarking, at pagsuporta sa GATAS Program ng Department of Agriculture na isang komprehensibong programang pansakahan na may centerpiece na Community-Based Dairy Production Project.
Ang pagdiriwang ng Marso bilang "Buwan ng Gatas" sa Rehiyon 12 ay itinalaga sa pamamagitan ng Resolution No. 156 series of 2022 ng Regional Development Council 12.
Bago rito, nagpasa rin ang RDC ng Resolution No. 82 series of 2018 na humihiling sa mga LGU na maglaan ng pondo para sa buyback program sa mga buntis na baka at kalabaw upang maiwasan ang pagbaba ng populasyon ng mga ito.
Nagpasa rin ang konseho ng Resolution No. 83 series of 2018 na humihiling sa mga LGU na suportahan ang implementasyon ng Agri-Community-Based Dairy and Livestock Project ng DA 12 at Resolution No. 67 series of 2020 na humihikayat sa regional line agencies at mga lokal na pamahalaan na magsilbi ng gatas at milk products sa mga meeting at kaparehong mga aktibidad. (PIA SOCCSKSARGEN)