GENERAL SANTOS CITY (PIA) -- Ibinahagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Biyernes na simula noong siya ay naging punong ehekutibo, nag-implementa na siya ng mga reporma at naglagay ng mga mekanismo upang maging “ideal player” ang Pilipinas sa export sector.
Sinabi ito ng pangulo sa kanyang talumpati sa isang pagtitipon na tinawag na “Tanyag: An Evening with International Trade Partners” na isinagawa sa Shangri-La, The Fort, sa lungsod ng Taguig.
Ayon sa pangulo gumagawa ang bansa ng mga high-value at competitive products at mga serbisyong kayang ibigay ang mga pangangailangan ng mga konsyumer at mga prodyuser kahit saan man panig ng mundo. Kasama na rin aniya rito ang mga iba’t ibang inisyatiba at reporma para sa ikalalago ng mga negosyo.
Bukod pa rito, patuloy aniya ang digital transformation initiatives na nag-uudyok ng mga economic activities habang nagiging mas mabilis at ligtas na ang mga transaksyon ngayon.
Sa pangunguna ng Department of Trade and Industry (DTI) at sa pamamagitan ng Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM), ang ‘Tanyag’ ay isang formal export trade networking activity na nagtitipon ng mga ahensya ng gobyerno, business leaders, at trade diplomatic partners upang ipamalas ang mga serbisyo at produktong Pinoy sa buong mundo na nakatuon naman sa pagpapalakas ng Filipino brand of excellence.
Bilang export promotion arm ng gobyerno, layunin ng CITEM na isulong ang whole-of-the-government at whole-of-nation approach sa pag-promote ng Philippine exports, gayundin ang pakikinabang sa walang hanggang potensyal ng mga export industries ng bansa bilang economic driver na nakatutulong sa pag-unlad.
Sinabi rin ng pangulo na pinalalakas ng pamahalaan ang trade promotion activities nito upang magbukas ng mga oportunidad para sa mga maliliit na negosyo tungo sa pandaigdigang merkado.
Binigyang-diin nito ang mahalagang papel ng export industry sa ginagawang recovery efforts ngayon ng bansa mula sa Covid-19 pandemic.
At sa pagtatapos ng kanyang mensahe, ibinahagi ng pangulo ang kanyang taos-pusong paniniwala na isang reliable partner at sourcing destination ang Pilipinas para sa iba’t ibang trade sectors gaya ng home, fashion, lifestyle, food, creative, at sustainability. (Harlem Jude Ferolino, PIA-SarGen)