LUNGSOD NG DAGUPAN (PIA) – Patuloy ang nagiging pagbaba ng kaso ng pagkamatay na dulot ng sakit na rabies sa lalawigan ng Pangasinan ayon sa Provincial Health Office (PHO).
Ayon kay Dr. Cielo Almoite, provincial health officer ng Public Health Services Division ng PHO Pangasinan, mula taong 2018 hanggang 2022, nagkaroon na ng pagbaba ng bilang ng kaso ng rabies sa lalawigan bunsod ng pagtaas ng kamalayan ng mga residente sa pagpapabakuna ng anti-rabies kung sila makagat ng hayop.
Aniya, 14 na kaso ang naitala ng PHO noong 2018, 13 noong 2019, 11 noong 2020, 10 noong 2021, at pito noong 2022.
"As of March 1 this year, wala pang naitatalang kaso ng rabies sa probinsya," dagdag ni Almoite.
Aniya, karamihan sa mga biktima ay mga matatanda at mga bata na nasa 15 taong gulang pababa.
Batay sa datos ng PHO, kabilang sa mga bayan at lungsod na may kaso ng rabies ay ang lungsod ng Alaminos, Bolinao, Aguilar, Tayug, San Fabian, Sta. Barbara, at Mangatarem.
Dagdag pa ni Almoite na bagamat maraming naitatalang kaso ng pagkagat ng hayop sa lalawigan, tanging ang mga kaso lamang na nagreresulta sa kamatayan ang binibilang ng PHO na kaso ng rabies.
Aniya, naging epektibo umano ang mga programang ipinatupad ng pamahalaang panlalawigan at Provincial Veterinary Office ngunit patuloy pa rin ang kanilang pangangampanya upang patuloy na mapababa hanggang sa mawala na ang sakit na rabies.
Ani Almoite, sa kasalukuyan ay mayroon ng 28 Animal Bite Treatment Centers sa lalawigan ang maaaring puntahan ng mga residente upang magpabakuna ng anti-rabies shot kung makaranas ng kagat ng hayop.
"Taon-taon, tumataas ang bilang ng mga nag-a-avail ng rabies vaccine sa mga centers na ibig sabihin po ay mas nagiging inform na po ang mga tao. Mayroon pa ring nag-a-avail ng traditional na tandok o supsup pero pumupunta rin sila sa ating mga Animal Bite Treatment Center para po sila ay magpabakuna," dagdag ni Almoite.
Sa kabila ng limitadong suplay, pinaalalahanan ni Almoite ang publiko na ang anti-rabies vaccine ay epektibo at libreng makukuha sa mga Animal Bite Treatment Centers. (JCR/AMB/EMSA/PIA Pangasinan)