PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Umabot na sa 933,306 Palaweño ang rehistrado na sa National ID System ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA)-Palawan Provincial Statistical Office.
Ang bilang na ito ay batay sa pinakahuling tala ng PSA-Palawan noong Pebrero 28 kung saan ay umabot na nga sa 933,306 Palaweño ang matagumpay na nairehistro sa Philippine Identification System (PhilSys). Ito ay binubuo ng 84.29% ng populasyon ng probinsiya na may edad 5 taong gulang pataas.
Batay sa resulta ng 2020 Census of Population and Housing, ang Palawan ay mayroong humigit-kumulang 1,107,143 katao na may edad 5 taong gulang pataas.
Ayon pa sa ulat ng PSA-Palawan, ang tagumpay na ito ay naging posible sa pamamagitan ng patuloy na pagsisikap ng mga ‘registration teams’ sa pagsasagawa ng pagpaparehistro sa buong lalawigan. Gayundin, sa suporta ng mga lokal na pamahalaan partikular sa pagdadala ng mga registration team, kits at supplies.
Tiniyak naman ng PSA-Palawan na upang makasama ang lahat sa National ID System, ang PSA-PSO-Palawan ay nagpapatuloy sa pagpaparehistro ng natitirang populasyon na hindi rehistrado.
Nakipag-ugnayan ang PSO-Palawan sa Department of Education (DepEd)-Palawan at DepEd-Puerto Princesa para magsagawa ng rehistrasyon sa mga paaralan upang mairehistro ang mga hindi pa rin rehistradong guro at mag-aaral. Ang mga pagtutulungang pagsisikap na ito ay titiyak na ang lahat ng hindi rehistradong kabataan sa paaralan ay mairerehistro sa National ID System.
Patuloy din ang pagsasagawa ng mga field personnel ng PhilSys ng pagpaparehistro sa mga pampubliko at pampribadong institusyon, malalayong barangay at komunidad ng mga katutubo.
Hinihikayat naman ng PSA ang mga hindi pa rin rehistradong populasyon na magparehistro sa National ID System alinsunod sa RA 11055 na may layuning magbigay ng pambansang solong pagkakakilanlan para sa lahat ng mamamayang Pilipino. (OCJ/PIA-MIMAROPA)
Larawan sa itaas mula sa Naval Forces West