No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Small Business Corp Regional Roadshow, isinagawa sa OccMdo

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Dumating sa lalawigan kamakailan ang ilang kinatawan ng Small Business Corporation (SB Corp) upang higit na ipaliwanag ang kanilang mga programa sa target beneficiaries nito. Ang SB Corp ay attached agency ng Department of Trade and Industry (DTI) at tumatayong financing arm ng Kagawaran.

Sinabi ni Nornita Guerrero, OIC-Provincial Director DTI Occidental Mindoro, na mahalaga ang papel na ginagampanan ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) sa ekonomiya ng isang lugar.

Nararapat aniya na may tanggapan o ahensya na direktang aagapay sa mga ito upang tulungan silang umunlad na siyang ginagawa ng DTI at SB Corp. Saad ng opisyal, malaki ang pakinabang na nakukuha ng mga MSMEs sa pagtutulungan ng DTI at SB Corp.

“Nagbibigay ang DTI ng mga pagsasanay at iba ipang technical assistance habang ang SB Corp ay nagpapautang ng pondo sa mga nais palawigin o palawakin ang naumpisahang negosyo."

Kwento pa ni Guerrero, kumpara sa mga government banking institutions na humihingi ng kolateral, ang mangungutang sa SB Corp ay hindi na nangangailan nito. Isa aniya ito sa bentahe ng kanilang programa kaya’t mainam na pag-isipang mabuti ng mga partisipanteng MSME at kooperatiba ang alok ng SB Corp kasama na ang mga kaakibat na obligasyon sakaling i-avail ito.

Pangunahin sa mga iniaalok ng ahensya ay ang Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso (P3) na ayon kay Ronald Inciong, Department Manager South Luzon Group ay isang lending program o pag-papautang sa mga financing institutions tulad ng bangko at kooperatiba upang ang mga ito ang magpaluwal sa mga kliyente o kasapi. “Prayoridad naming maging partner ang mga kooperatiba,” saad ni Inciong. Aniya, nakatitiyak ang kanilang tanggapan na matutulungan ang mga maliliit na negosyante o mga kasapi na may tunay na pangangailangan.

Dagdag pa ni Inciong, magkakaroon ng ibang option na mahihiraman ang mga negosyante at sa gayon ay maiwasang bumaling sa 5-6 lending scheme, loan shark, o iba pang naniningil ng malaking interes. Karaniwan aniya sa ganito nauuwi ang mga nagtitinda sa mga palengke o pamilihang bayan.

Ayon naman kay Noli Lucero, P3 Provincial Coordinator, ang P3 ay regular program ng SB Corp at tinatayang P8M na ang pinautang ng ahensya sa mga MSME ng probinsya sa ilalim ng nasabing programa para sa taong 2022. Abot naman sa P100M ang pinahiram ng SB Corp sa mga kooperatiba na tumatayong conduit ng ahensya sa parehong taon.

Ayon pa kay Lucero, maaaring makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan ang mga nais mapabilang sa mga programa ng SB Corp. Matatagpuan ito sa Negosyo Center Building, Municipal Compound sa bayan ng San Jose. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch