No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Higit P500K halaga ng tulong ipinagkaloob sa mga dating rebelde mula Laguna

SANTA CRUZ, Laguna (PIA) — Walong indibidwal na dating mga kasapi ng CPP-NPA-NDF sa lalawigan ng Laguna ang nakatanggap ng kabuuang P520,000 o tig-P65,000 na tulong mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), bilang bahagi ng inisyatibo ng pamahalaan sa pag-agapay sa mga dating rebelde.

Pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Laguna Provincial Director Engr. John Cerezo ang distribusyon ng mga cheke kasabay ng Joint Meeting Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) at Laguna Peace and Order Council at PTF-ELCAC nitong Marso 30, Huwebes sa Provincial Capitol Compound, Santa Cruz, Laguna.

Ayon kay Cerezo, bilang kabahagi sa implementasyon ng Executive Order No. 70, patuloy na magbibigay ng tulong at mga benepisyo ng pamahalaan ang DILG sa mga nais nang bumalik sa lipunan kasama ang kani-kanilang pamilya.

Sa ilalim ng EO 70 na nagba-balangkas sa mga tungkulin at gampanin ng NTF-ELCAC, makakatanggap ng P50,000 halaga ng livelihood assistance ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng programa, samantalang P15,000 naman ang magagamit sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Bilang kinatawan ni PTF-ELCAC Chairperson Governor Ramil Hernandez, sinabi ni Maricar Palacol, Action Officer ng Provincial Peace and Order Office na buo ang suporta ng pamahalaang lalawigan, kaakibat ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan upang matupad ang mithiin na muling makabalik nang maayos at payapa ang mga dating rebelde sa kanilang pamumuhay at mawala na ang iba pang mga problemang pang-kapayapaan sa Laguna.

Para kay Colonel Ronald Jess S Alcudia, Deputy Brigade Commander ng 202nd Infantry Unifier Brigade ng Philippine Army, hinimok niya ang bawat ahensya ng pamahalaan na tuparin ang mga tungkuling pang-kapayapaan gaya ng suporta sa mga dating rebelde upang mas marami pa ang mahikayat na magbalik-loob sa pamahalaan.

Nangako naman sina Department of Labor and Employment (DOLE) Laguna Provincial Director Guido Recio at Special Social Services Division Head, Provincial Social Welfare and Development Office Marita Barcia na tutulong ang kanilang mga tanggapan upang muling makabangon at makapag-simulang muli ng hanapbuhay.

Patuloy na hinihimok ng pamahalaan ang mga rebelde na magbalik-loob na sa gobyerno upang makatanggap ng ilang mga benepisyong medikal, pangkabuhayan, pang-edukasyon, pabahay, psychosocial, at serbisyong legal. (CH/PIA-Laguna)

Pinangunahan ng mga miyembro ng Laguna PTF-ELCAC ang pamamahagi ng mga tulong para sa walong dating miyembro ng mga rebeldeng grupo sa lalawigan. (STT/PIA-4A)

About the Author

Christopher Hedreyda

Region 4A

Provincial Information Center Manager, PIA Laguna

Feedback / Comment

Get in touch