No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pantay na oportunidad para sa lahat, sentro ng Calabarzon Regional Women’s Month Celebration

SANTA CRUZ, Laguna (PIA) — Pormal nang nagtapos ang selebrasyon ng National Women’s Month sa rehiyong CALABARZON sa isang programang inorganisa ng Regional Development Council – Regional Gender and Development Committee (RDC-RGADC) Cultural Center ng Laguna sa bayan ng Sta. Cruz noong Marso 31.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga GAD focal persons mula sa iba’t-ibang lalawigan at lokal na pamahalaan, tanggapan ng pamahalaan at mga unibersidad sa rehiyon.

Tema ng selebrasyon ngayong taon ay “Linangin, Pahalagahan at Isulong ang Pantay na Oportunidad Para Sa Lahat.”

Sa kanyang mensahe, inalala ni National Economic and Development Council (NEDA) IV-A Assistant Regional Director Carmel P. Matabang ang naging papel ng kababaihan sa lipunan kung saan mas nabibigyan ng pagpapahalaga ang mga kalalakihan.

Ngunit sa paglipas ng panahon ay nabago na ito sa pamamagitan ng mga pagsisikap at repormang isinulong para sa pantay na oportunidad para sa mga kababaihan.  

Hinikayat naman ni Laguna Governor Ramil Hernandez ang mga dumalo na patuloy na maging kabahagi sa pagbabago sa mga nakasanayang tradisyon at polisiya tungkol sa paglilimita ng kakayahan at kontribusyon ng mga kababaihan sa lipunan.

Suportado rin ni Dr. Mario R. Briones, Presidente ng Laguna State Polytechnic University (LSPU) ang adbokasiya sa gender and development at ibinida ang malalaking hakbang sa sektor ng edukasyon kung saan patuloy na kinikilala ang makabuluhang papel ng kababaihan.

Panauhing pandangal sa okasyon si Department of Science and Technology (DOST) IV-A Assistant Regional Director Lyn A. Fernandez.

Ibinida ni Fernandez ang mga natatanging kababaihang Filipino sa larangan ng siyensya at teknolohiya sa CALABARZON. Aniya, hindi nakitang hadlang ang kasarian upang magkaroon ng malaking ambag sa lipunan kundi sipag, talino at lakas ng loob ang kailangan.

Nagkaroon naman ng talakayan o open forum na nilahukan ng mga babaeng nagtagumpay sa kanilang larangan na sina Woman Scientist/Innovator – Dr. Patricia Sanchez ng UPLB, entrepreneur Leonie Reyes ng Natures Dew Enterprises, Laguna 2nd District Representative Hon. Ruth B. Mariano-Hernandez at Women Leader in the Academe – Dr. Eden C. Callo ng LSPU. 

Ibinahagi ng mga panelist ang kanilang mga naging karanasan sa buhay sa pagsusulong ng gender equality at inclusive society sa kani-kanilang larangan. 

Sa huli ay pinasalamatan ni RGADC Co-Chairperson Josephine C. Parilla ang lahat ng dumalo at nakiisa sa selebrasyon ng Regional Women’s Month at isinagawa ang turn-over ceremony para sa susunod na host ng pagtitipon mula sa LSPU ng lalawigan ng Laguna patungo sa Batangas State University, ng lalawigan ng Batangas. (CCM, CH)

About the Author

Christopher Hedreyda

Region 4A

Provincial Information Center Manager, PIA Laguna

Feedback / Comment

Get in touch