LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato (PIA) -- Ngayong taon, ibabalik sa orihinal na format ang Street Dancing Competition sa Tnalak Festival ng South Cotabato na may tattlong kategorya.
Ayon kay Rudy Jimenea, provincial information officer at 24th Tnalak Festival director, ito ay dahil sa tradisyunal na street dancing competition nakilala ang T'nalak Festival at ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit dinadagsa ang kapiyestahan kada Hulyo 18.
Tampok kasi sa T'nalak Street dancing competition ang tatlong natatanging kategorya: Madal Be'lan, ng mga katutubong Tboli at Blaan; Kadsagayan a Lalan ng kumunidad na mga Muslim; at Kasadyahan sa Dalan ng mga lowland settlers.
Matatandaang nitong nakalipas na taon, sa 23rd T'nalak Festival, nag-imbita ang South Cotabato ng iba't ibang street dancing contingents mula sa ibang probinsya at rehiyon. Paliwanag ni Jimenea, ito ay dahil hindi handa ang mga mananayaw at mga paaralan sa lalawigan dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa isang pulong balitaan kamakailan, kinumpirma ni Jimenea na kinailangan nang magsagawa ng screening ang street dancing committee dahil sa dami ng naghayag na sasali sa 24th T'nalak Street Dancing Competition.
Dagdag pa ng opisyal, tulad ng mga naunang T'nalak Festival, tig-aapat lang na contingents ang papayagang makilahok sa bawat kategorya dahil na rin sa limitasyon sa oras. (PIA SOCCSKSARGEN)