LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Inilunsad kamakailan ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa pamamagitan ng Bangsamoro Planning Development Authority (BPDA) ang ikalawang Bangsamoro Development Plan (BDP) para sa taong 2023 hanggang 2028.
Ang anim na taong BDP roadmap ay nakatuon sa mga prayoridad na tungkulin ng pamahalaan ng BARMMM, at magsisilbing gabay sa tatahaking direskyon ng pamahalaan sa mga susunod na taon.
Binuo rin ang nasabing plano upang mapanatili ang mga napagtagumpayan ng pamahalaan ng BARMM sa loob ng tatlong taon sa tulong ng unang BDP.
Bukod dito, tampok din sa nasabing roadmap ang kasalukuyang sitwasyon ng mga pangunahing programa ng pamahalaan ng BARMM at iba pang mga aktibidad at proyekto alinsunod sa Bangsamoro Development Framework.
Samantala, pinaalalahanan ni BARMM Chief Minister Ahod Murad Ebrahim ang mga kasamahaan nito sa pamahalaan na manatiling nakatutok sa layunin ng development plan.
Hinimok rin ni Ebrahim ang mga ito na patuloy na magsikap upang maisakatuparan ang nasabing plano. (With reports from Bangsamoro government)