No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pagbuo ng magandang samahan, tunay na diwa ng SRAA Meet ’23, ayon kay Gov. Mendoza

LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA)—Binigyang-diin ni Governor Emmylou Mendoza sa ginanap na pagbubukas ng SOCCSKSARGEN Regional Athletic Association o SRAA Meet ngayong taon na ang pagbuo ng magandang samahan ang tunay na sentro ng kumpetisyon.

Ito ayon sa gobernadora ay makakamit sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan at pagtutulungan sa pagitan ng mga atleta, tagapagsanay, at lahat ng indibidwal na kasali sa pinakamalaking palaro sa buong rehiyon.

Umaasa naman si Mendoza na matatapos ang SRAA Meet 2023 nang ligtas at mapayapa.


Sinimulan nitong Lunes ang limang araw na palaro sa lungsod ng Kidapawan. Kabilang sa mga delegado ang mga manlalaro mula sa mga lungsod ng Tacurong, General Santos, Kidapawan, at Koronadal maging sa mga lalawigan ng Sultan Kudarat, South Cotabato, Sarangani, at Cotabato.

Sa lalawigan ng Cotabato, abot sa P4.2 milyong halaga ang inilaan ng pamahalaang panlalawigan para sa insurance, pagkain, toiletries, gamot at transportasyon ng mga atletang kalahok. 

Isa naman sa mga iniyatibo ng Kidapawan City bilang host ng patimpalak ay ang paggamit ng Digital Attendance System upang mamonitor ang paglabas at pagpasok ng mga atleta sa kanilang mga billeting quarter at sports venue. Ito, ayon sa pamahalaang panlungsod, ay makatutulong upang mabantayan ang seguridad ng mga manlalaro.

Ang mga manlalarong mananalo sa SRAA Meet ang magiging pambato ng rehiyon sa gaganaping Palarong Pambansa.

About the Author

Shahana Joy Duerme-Mangasar

Writer

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch