No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PBBM sa mga atleta ng SEA: 'Mayroon kayong 107M Pilipinong sumusuporta sa inyo'

Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes na mayroong 107 milyong Pilipino na magbibigay ng suporta sa 840 na delegasyon ng Pilipinas habang nakikipagpaligsahan sa ika-32 Southeast Asian (SEA) Games sa Cambodia.

Ayon sa kanya mataas ang kumpyansa nito at ng bansa para sa mga atletang Pilipino sa naturang palaro.

Dahil sa nakitang pagsisikap ng mga atleta, mga trainer, at mga coach, inaasahan ng Pangulo na mag-uuwi sila ng mga medalya, tropeyo at karangalan pagkatapos ng palaro.

Binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan ng sports sa lipunan, at naniniwala siya sa patuloy na pagsuporta sa mga atleta at sa mga programa ng sports sa Pilipinas.

Sinabi ng Pangulo na kung mayroon pang ibang magagawa ang administrasyon upang suportahan ang mga atleta at sports sa bansa, dapat aniya nila itong ipagbigay alam sa pamahalaan dahil ang lahat ay sumusuporta sa kanila.

Ayon sa Pangulo, ang sports ay isa sa mga aktibidad na walang negatibong epekto, at mahalaga ito sa disiplina, kalusugan at pagkakaibigan ng mga atleta.

Kasabay nito, pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang mga taong nasa sports arena at nagpamalas ng kanilang kagalingan at nagbigay ng karangalan sa bansa.

Ang 32nd SEA Games ay gaganapin ngayong Mayo 5 hanggang 17 sa Cambodia, kung saan ang mga atletang Pilipino ay makikipagtagisan ng galing sa 38 na sports discipline sa pinakamalaking biennial multisport event sa rehiyon.

Kasama ng Pangulo sina Senator Christopher Lawrence "Bong" Go, Philippine Sports Commission Chairperson Richard Bachmann, Philippine Olympic Committee President Abraham Tolentino at iba pang mga opisyal ng bansa. (Harlem Jude Ferolino, PIA-SarGen)

About the Author

Harlem Jude Ferolino

Job Order

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch