Photo Credit: Sarangani Provincial Information Office
LUNGSOD NG HENERAL SANTOS (PIA) -- May access na sa ligtas na tubig ang mga residente ng Barangay Banahaw sa bayan ng Malungon, Sarangani Province matapos mai-turnover ang isang proyekto ng water system sa lugar noong Abril 24.
Ayon sa ulat ng Sarangani Provincial Information office, sinabi ni Provincial Administrator Atty. Ryan Jay Ramos, na syang nag-representa kay Governor Rogelio D. Pacquiao, na ang implementasyon ng naturang proyekto ay tugma sa pangarap ng gobernador, na ilapit sa mga tao ang serbisyo publiko.
Sakop ng proyekto ang limang lugar sa barangay, kabilang ang Sitio Consolacion sa Purok 3, Sitio 3, Sitio San Miguel, Centro Barangay, at Purok 2, kung saan makikinabang ang mga nasa 1,000 residente.
Dahil nasa pangangasiwa umano ng Local Government Unit (LGU) ng Malungon ang Malungon Water District, nakapangalan sa LGU ang Certificate of Turnover.
Dagdag pa sa ulat, nagkasundo ang lokal na pamahalaan ng Malungon at ang Barangay Council ng Banahaw na ang proyekto ay ipagkakatiwala sa pamamahala ng Malungon Water District upang matiyak ang tamang pagpapatakbo at pangmatagalan gamit o sustainability ng water system project.
Kasama sa nabanggit na aktibidad sina Municipal Councilor Rodrigo Palec, na nag-representa kay Mayor Maria Theresa D. Constantino; Banahaw Barangay Captain Rolando Cabales, Barangay Councilor Renie Bayate; at Malungon Water District Manager Henry Lito Pactes. (Harlem Jude Ferolino, PIA SarGen)
Photo Credit: Sarangani Provincial Information Office