LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Abot sa higit 600,000 na bata mula sa iba’t ibang mga lugar sa rehiyon ng Bangsamoro ang target na mabakunahan laban sa measles-rubella at polio simula buwan ng Mayo.
Ito ay matapos ilunsad noong Martes, Mayo 2, ng Ministry of Health (MOH) ng BARMM at ng Cotabato City Health Office (CCHO) ang “Chikiting Ligtas,” isang supplementary immunization campaign ng Department of Health (DOH).
Ang malawakang pagbabakuna na nakatakdang isagawa hanggang sa katapusan ng buwan ay naglalayong maturukan ng measles-rubella vaccine ang mga batang may edad siyam hanggang limampu’t siyam na buwang gulang, habang ang polio vaccine naman ay ibibigay sa mga batang may edad zero hanggang limampu’t siyam buwang gulang.
Ayon sa MOH, ang measles at polio ay mga nakakahawang sakit na maaaring magdulot ng matinding komplikasyon tulad ng pneumonia, ear infections (otitis media), conjunctivitis, diarrhea, encephalitis, malnutrition, at pagkamatay sa mga bata.
Kaugnay nito ay hinikayat ni MOH deputy minister Zul Qarnayn Abas ang iba’t ibang sektor na magtulungan at makiisa na mahikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maprotektahan laban sa mga naturang sakit.
Samantala, siniguro naman ni Department of Health Undersecretary Dr. Abdullah Dumama Jr. na ligtas, epektibo, at libre ang mga bakuna, at sumailalim aniya ito sa mga pag-aaral at pagsusuri ng mga eksperto. (PIA Cotabato City)