ISULAN, Sultan Kudarat (PIA) -- Magiging agresibo ang Department of Tourism sa pagtaguyod sa mga tourism sites sa iba't-ibang bahagi ng bansa na hindi pa gaanong kilala ng publiko.
Ito ang pahayag ni Tourism Secretary Christina Frasco sa kanyang pagbisita sa Isulan, Sultan Kudarat kamakailan para sa paglulunsad ng incentive program ng Departamento na Bisita, Be My Guest (BBMG) sa SOCCSKSARGEN Region.
Paliwanag ni Secretary Frasco, nauna nang inihayag ni President Ferdinand Marcos Jr. na prayoridad ng kanyang administrasyon ang turismo na isa sa may pinakamalaking potensyal na mag-angat ng kabuhayan ng mga Pilipino.
"No other industry is able to give such great opportunity for economic advancement in the farthest places in the country other than tourism," ayon kay Sec. Frasco.
Bunsod dito, iniutos ng Pangulo, kasama si Bise Presidente Sara Duterte ang siguraduhing makita, maramdaman, at marinig ang turismo maging sa kaliblibang mga lugar ng bansa.
"That is why we are here today to let you know that under the Marcos administration, the Department of Tourism is embarking on aggressive program to give attention, not only to our key destinations -- which we will continue to promote -- but also to our emerging and less known destination," diin pa ng opisyal.
Panahon na, ayon sa kalihim, na mas makikilala ng mga turista ang Lalawigan ng Sultan Kudarat at SOCCSKSARGEN Region.
Matatandaang binisita ni Secretary Frasco, kasama sina Undersecretary Shalimar Hofer Tamano, Undersecretary Verna Buensuceso, Tourism Promotion Board COO Margarita Nograles, at iba pang opisyal ng DOT ang Sultan Kudarat upang ilunsad sa Rehiyon Dose ang BBMG Program.
Layon ng programa ng DOT at Department of Migrant Workers na mahikayat ang mga overseas Filipino workers at mga Pilipino sa labas at loob ng bansa na maging tourism ambassadors ng Pilipinas.
Sa pakikilahok sa programa at pag-imbita ng mga kaibigan, kakilala, asawa, kapamilya, at iba pang mga dayuhan na bumisita sa Pilipinas, makatatanggap ang isang BBMG at mga dalang turista nito ng mga benepisyo.
Kabilang sa benepisyo ang raffle tickets na may papremyong condominium units, house and lot, hoiliday packages, libreng airline tickets, at marami pang iba.
Bibigyan din sila ng tourism passport at discount cards na maaring magamit upang makakuha ng mga freebies at discounts sa mga kalahok na mga tourism destinations at shops. (PIA SOCCSKSARGEN)