LUNGSOD NG CALAMBA (PIA) – Hitik sa mga bagong aktibidad ang pagdiriwang ng Calambagong Buhayani Festival ngayong taon, bilang pag-alala ng lungsod sa buhay at kabayanihan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Ngayong taon, ipagdiriwang ang Calambagong Buhayani Festival mula Hunyo 2 hanggang 25, kung saan tampok ang kasaysayan, kultura, at galing ng lungsod ng Calamba.
Sa unang edisyon ng Calambagong Buhayani Festival, inilunsad ng pamahalaang lungsod ang Calambagong Bayani Awards upang bigyang pagkilala ang mga mamamayan na mayroong natatanging ambag sa lipunan–sa bansa at sa ibayong dagat.
Halaw ang Buhayani sa mga katagang ‘Buháy na Bayani’ at ‘Búhay ng Bayani’, binibigyang pagkakataon ng Calambagong Buhayani Festival ang mga Calambeño na ipamalas ang kanilang galing iba’t ibang larangan.
Magbibigay rin ang lungsod ng mga bagong kaalaman sa pamamagitan ng kaliwa’t kanang mga seminar at workshop.
“Mula sa nakasanayan nating mga kumpetisyon sa iba’t ibang larangan, nais rin naming hasain ang galing, talino, at kakayanan ng ating mga kababayan. Naglunsad kami ng mga pagsasanay, mga training at seminar na hahasa sa kanilang mga talento at kapasidad.” ani Mayor Roseller Rizal ukol sa mga paghahanda ng pamahalaang lungsod.
Tampok naman sa Calambagong Buhayani Festival ang mga aral mula sa kalagayan ng lipunan at istilo ng pamamahala sa panahon ni Rizal, sa seminar na pinamagatang ‘Power Structure in the Novels of Dr. Jose Rizal and the History of Local Government in the Philippines’.
“Hindi lamang patungkol ang Buhayani Festival kay Dr. Jose Rizal, kundi maging sa mga buhay na bayani–kabilang na tayong lahat, at ang ating mga katulong upang umunlad ang lungsod,” paliwanag ni City Tourism Officer Karla Boholano.
“Hindi lamang ang mga namamatay para sa bayan ang itinuturing na bayani, kundi maging tayong lahat ay maituturing na bayani ng ating komunidad, ng ating pamilya, at ng ating bansa.”
Nagsimula ang Buhayani Festival noong 2013, at kalaunan ay pagkilala bilang Best Tourism Festival sa PEARL Awards ng Department of Tourism (DOT). (PB)