LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Nagpahayag ng pagsuporta kamakailan ang mga residente ng 63 barangay sa North Cotabato na kabilang sa BARMM sa pagbuo ng mga munisipalidad sa loob ng Special Geographic Area (SGA) ng rehiyon.
Sinabi ni Bangsamoro Transition Authority (BTA) member of parliament Engr. Aida Silongan na ang pinag-isang suporta ng mamamayan ay isang matibay na dahilan upang mapabilis ang pagpasa ng mga panukalang batas na magtatatag sa mga munisipalidad ng Northern Kabacan, Kapalawan, Ligawasan, at Malmar sa SGA.
Kabilang sa mga panukalang batas ay ang BTA bill no. 132 na bubuo ng isang bagong munisipalidad sa Northern Kabacan na kabibilangan ng mga barangay ng Buluan, Nangaan, Sanggadong, Simbuhay, Simone, Pedtad, at Tamped.
Ang BTA bill no. 133 naman ay layong ilipat ang mga barangay ng Kibayao, Kitulaan, Langogan, Manarapan, Nasapian, Pebpoloan, at Tupig mula sa bayan ng Carmen, North Cotabato papuntang munisipalidad ng Kapalawan.
Sa ilalim ng BTA bill no. 134 ay mabubuo naman ang munisipalidad ng Malmar na kabibilangan ng pitong mga barangay kabilang ang Balungis, Batulawan, Fort Pikit, Gokotan, Nabundas, Nalapaan, at Nunguan.
Kaugnay pa rin dito, kapag naisabatas ang BTA bill no. 136 ay mabubuo ang munisipalidad ng Ligawasan na kabibilangan ng mga barangay ng Bagoinged, Barungis, Bulol, Buliok, Gli-Gli, Kabasalan, at Rajamuda.
Samantala, ayon pa kay Silongan, ang mga panukalang batas ay naglalayong tugunan ang adhikain at kahilingan ng mga komunidad na nagpahayag ng kanilang mga pagnanais na mapangkat bilang magkakahiwalay na munisipalidad sa loob ng SGA ng BARMM.
Dagdag pa rito, patuloy pa rin ang isinasagawang public consultation ng BTA parliament sa iba’t ibang lugar sa rehiyon upang marinig ang mga mungkahi ng mamamayan patungkol sa nasabing mga panukalang batas, at iba pang mga prayoridad na batas ng pamahalaan ng BARMM. (With reports from BTA-BARMM).