No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pagbabakuna gamit ang bivalent COVID vaccines, sinimulan sa Batangas

BATANGAS CITY (PIA) — Umarangkada na sa lungsod ng Batangas ang pagbabakuna ng ikatlong booster para sa COVID-19 gamit ang bivalent vaccines.

Pormal na isinagawa ng Department of Health (DOH) Center for Health Development Calabarzon ang pagbabakuna nito sa mga healthcare workers, senior citizens, at mga mayroong comorbidity sa ginanap na ceremonial vaccination sa Batangas Medical Center (BatMC) nitong Martes, Hunyo 20.

Sa panayam kay Dr. Ariel I. Valencia, regional director ng DOH Calabarzon, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng booster para sa mas pinalakas na proteksyon dahil mayroon pa rin aniyang COVID-19.

Ang naturang bivalent vaccines ay donasyon mula sa Lithuania at may alokasyon na 52,740 doses para sa Calabarzon Region mula sa kabuuang 391,860 doses na ipinagkaloob sa bansa.

Sakop ng bivalent vaccine ang mga variants na naitalang mas marami sa bansa.

Ayon kay Valencia, target mabakunahan sa lalawigan ng Batangas ay nasa mahigit 45,000 habang nasa 244,000 naman sa buong rehiyon.

“Mayroon namng 1,200 doses na inilaan para sa Batangas Medical Center upang mabakunahan ang mga empleyado nito at patuloy na mapangalagaan sila laban sa COVID 19,” ani Valencia.

Tinanggap ni Batangas Medical Center Dr. Ramoncito Magnaye ang kauna-unahang Bivalent vaccine at sinabi nito na ito na ang kanyang ikatlong booster.

“Nais kong maituloy ang proteksyon hindi lamang para sa aking sarili kundi maging sa mga kawani ng BatMC kaya’t ito na ang ikalimang beses na ako ay nabakunahan laban sa COVID 19. Ang naunang dalawang shots na sinundan ng ikatlo, ikalawa at ngayon ang ikatlong booster dose,” ani Magnaye.

Batay sa guidelines na inilabas ng DOH, ang isang indibidwal ay maaaring mabigyan ng bivalent vaccine matapos ang apat na buwan na matanggap niya ang ikalawang booster shot at kinakailangang kumpleto ito ng dalawang booster shot bago mabigyan ng nasabing bakuna. (BPDC, PIA BATANGAS)


About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch