LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Lalong pang palalakasin ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa pamamagitan ng Ministry of Trade, Investments and Tourism (MTIT-BARMM) ang mga hakbang nito upang maisulong ang halal tourism sa rehiyon.
Kaugnay nito, kamakailan ay pinulong ng MTIT-BARMM ang mga stakeholder mula sa iba’t ibang sektor sa rehiyon para sa dalawang araw na oryentasyon na may kaugnayan sa halal tourism accreditation, statistics, at tourism circuit development.
Sa ginanap na oryentasyon ay nagbigay ang mga partisipante ng kanilang mga pananaw at mungkahi hinggil sa pagpapatupad ng mga programa at aktibidad upang mas maitaas pa ang kaalaman ng publiko hinggil sa halal tourism, at ang mga oportunidad na maibibigay nito sa mga Bangsamoro.
Tiwala naman si MTIT minister Abuamri Taddik na makatutulong ang halal tourism upang mas mapaunlad pa ang ekonomiya ng rehiyon.
Aniya, magiging malaking oportunidad din ito upang maisulong ang mga produktong halal sa BARMM.
Samantala, ang oryentasyon hinggil sa halal tourism ay alinsunod din sa Republic Act no. 9593 o mas kilala bilang ‘Tourism Act of 2009,’ na nilagdaan ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Layon nitong i-upgrade ang mga serbisyo sa turismo at tiyakin ang pagsunod sa tourism standards ng mga gusaling may kaugnayan sa turismo. (With reports from Bangsamoro government).