TAGKAWAYAN, Quezon (PIA) — Pormal nang pinasinayaan ng Department of Health (DOH) Region 4A at pamahalaang bayan ng Tagkawayan ang ‘Super Health Center’ na inaasahang magbibigay ng abot-kamay na serbisyong pangkalusugan sa mga residente.
Matatagpuan ang bagong pasilidad sa Tagkawayan Resiliency Complex, Barangay Munting Parang.
Layunin ng proyekto na makapagbigay ng maayos at dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng Tagkawayan at mga karatig-bayan nito.
Sa pagbubukas ng Super Health Center ay hindi na rin kinakailangan pang pumunta ng mga residente sa malalayong ospital para sa ilang serbisyong medikal.
Pinangunahan ni DOH 4A Assistant Regional Director Leda Hernandez, Gov. Angelina “Doktora Helen” Tan at Tagkawayan Mayor Carlo Eleazar ang pagbubukas ng bagong Super Health Center.
Kasabay nito ay pormal na ring inilipat ng pamahalaang panlalawigan ang pamamahala ng Maria L. Eleazar General Hospital sa DOH 4A upang mas lalo pang mapabuti ang paghahatid ng serbisyong medikal.
Ang Maria L. Eleazar General Hospital ay magsisilbing referral hospital, training at teaching hospital.
Matatandaan na noong kinatawan pa ng ikaapat na distrito si Gov. Tan ay nakita niya ang pangangailangan ng isang Level III Hospital sa lalawigan ng Quezon kaya naman naghanap siya ng ospital na magiging sapat ang kapasidad para dito.
Dahil dito, isinulong niya na ma-upgrade ang Maria L. Eleazar District Hospital sa Tagkawayan para maging isang Level III General Hospital.
Matapos na maging isang batas sa tulong ni Sen. Christopher Bong Go (Republic Act 11474), isasailalim ang naturang ospital sa pamamahala ng DOH 4A at maglalaan ng pondo para sa pagsasaayos ng pasilidad para maging ganap na Level III at training hospital. (Ruel Orinday-PIA Quezon)