LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Lalong pang palalakasin ng Ministry of Social Services and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MSSD-BARMM) ang pagpapatupad ng mga programa nito na layong matulungan ang mga mahihirap na pasyente sa BARMM, partikular sa Special Geographic Area (SGA).
Kamakailan ay lumagda sa isang kasunduan ang MSSD kasama ang apat na mga ospital sa SGA kabilang ang Community Health Service Cooperation Hospital (COHESCO) sa Midsayap, North Cotabato; R.A.M Albutra General Hospital, at Deseret Surgimed Hospital sa Kabacan, North Cotabato; at Cruzado Medical Hospital sa Pikit, North Cotabato para sa pagpapatupad ng programang Bangsamoro Critical Assistance for Indigents in Response to Emergency Situations (B-CARES).
Sa pamamagitan nito ay maaaring ma-avail ng mga mahihirap na pasyente ang B-Cares program sa pamamagitan ng mga partner hospital ng ministry.
Saklaw ng programa ang mga gastusin sa pagpapaospital ng mga pasyente, gastusin sa mga gamot, at iba pang medical treatments o procedures tulad ng laboratory fees, dialysis, chemotherapy, computed tomography (CT) scan, magnetic resonance imaging (MRI), and anti-retroviral therapy.
Bukod sa mga nabanggit na ospital, maaari ding ma-avail ng mga pasyente ang B-CARES program sa iba pang partner hospital ng MSSD sa buong rehiyon ng Bangsamoro. (With reports from MSSD-BARMM)