LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Alinsunod sa selebrasyon ng ika-49 National Nutrition Month, hinikayat ng pamahalaan ng BARMM, sa pamamagitan ng Ministry of Health (MOH) ang publiko na sundin ang healthy diet sa pamamagitan ng pagkain ng wasto at masustansying pagkain upang malabanan ang mga sakit at matugunan ang malnutrisyon.
Ang selebrasyon ng National Nutrition Month ngayong taon ay naka sentro sa temang “Healthy Diet Gawing (Make It) Affordable For All,” na naglalayong makapagbigay ng kamalayan sa bawat Pilipino patungkol sa kahalagahan ng wasto at tamang nutrisyon habang isinasaalang-alang ang badyet ng bawat pamilyang Pilipino.
Samantala, sa kanyang pahayag ay hinikayat ni Dr. Rizaldy Piang ang mga magulang na bigyan ng tamang pagkain ang kanilang mga anak at buong pamilya na magsisilbing panangga aniya sa iba’t ibang uri ng sakit.
Dagdag pa rito, inanyayahan din ni Piang ang bawat Bangsamoro na makilahok sa iba't ibang programa ng ministry ngayong buwan na layong isulong ang mas malusog na Bangsamoro.
Kaugnay pa rin dito, ang National Nutrition Month ay taunang kampanya na ginaganap tuwing buwan ng Hulyo na pinangungunahan ng National Nutrition Council (NNC).
Isinusulong din nito ang pagbuo ng family at community food gardens upang magsilbing karagdagang mapagkukunan ng pagkain, habang sinusuportahan ang mga lokal na magsasaka. (With reports from Bangsamoro Government)