No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Exercise Pagsasama 2023 sa Palawan, nakatuon sa Naval Reserve Force dev't

PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Nakatuon sa Naval Reserve Force Development ang isinasagawang Exercise Pagsasama 2023 ng Philippine Navy sa pamamagitan ng Naval Forces West na nagsimula noong Hulyo 30 at magtatapos sa Agosto 4, 2023 sa Naval Station Carlito Cunanan sa Brgy. Macarascas.

Naging panauhing pandangal sa pormal na pagbubukas ng nasabing pagsasanay si Brigadier General Doroteo Jose M. Jalandoni PN (M), ang Assistant Deputy Chief of Staff para sa Reservist and Retiree Affairs.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Jalandoni ang kahalagahan ng pagtutulungan upang matiyak ang pambansang seguridad ng bansa. Hinimok niya ang lahat ng kalahok sa pagsasanay na mag-ambag sa pagbuo ng reserbang puwersa, at binigyan diin nito na ang mga reservist ay isang makabuluhang aspeto ng kabuuang kakayahan ng AFP.

“We are focused on making sure na nadi-develop po ‘yong reserve force natin, Navy-Army, Navy-Airforce, and what we call, the technical administrative service, ‘yong mga lawyer, doctor, nurses, chaplains, kailangan po natin sila, kasi, kapagka may crisis na malakihan, baka kukulangin ang puwersa ng regular force,” pahayag ni Jalandoni.


Si Brigadier General Doroteo Jose M. Jalandoni PN (M) (kanan), ang Assistant Deputy Chief of Staff para sa Reservist and Retiree Affairs ang naging panauhing pandangal sa pormal na pagbubukas ng Exercise Pagsasama 2023 na ginanap sa Naval Station Carlito Cunanan sa Brgy. Macarascas kamakailan. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Ayon kay Jalandoni ay sapat naman ang regular force ng sandatahang lakas ng bansa sa kasalukuyan, ngunit may mga kondisyon na hindi inaasahan at kakailanganin ang karagdagang puwersa mula sa mga reservist kung kaya’t sinasanay na ang mga ito.

Dagdag pa ni Jaladoni, may tatlong classification ng reservists-- ang 'ready reserve’ na kasama sa isang unit na kapag kinailangan ay nandiyan kaagad; ‘standby reserve’, ang mga ito naman ay wala sa unit ng militar pero nakalista bilang karagdagang puwersa; at ang mga estudyanteng nagtapos sa Reserve Officers' Training Corps (ROTC).

Sinabi ni Jalandoni na mayroong 1.2 milyong na-account na reservists sa buong bansa, ngunit naniniwala ito na mas higit pa sa nasabing bilang ang mga ito dahil hindi pa naisama dito ang mga nagtapos sa ROTC.

Ang Exercise Pagsasama 2023 ay isang unilateral exercise na isinasagawa taun-taon ng Philippine Navy na nakatutok sa Maritime Security Operations (MARSEC), Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR), at Civil Military Operations (CMO) at isasagawa sa iba't-ibang lokasyon sa Lalawigan ng Palawan. (OCJ/PIA-Palawan)


Larawan sa itaas mula sa Naval Forces West 

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch