No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Positibong resulta ng 2022 NDHS, rason para ipagdiwang ng Rehiyon 12

LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato (PIA) -- May mga rason upang ipagdiwang ng SOCCSKSARGEN Region and mga positibong resulta ng 2022 National Demographic and Health Survey (NDHS) na pinangunahan ng Philippine Statistics Authority, partikular ang mga datos sa fertility, pagbubuntis, at family planning. 

Ito ang pahayag ni Regional Director Desiree Concepcion Garganian ng Commission on Population and Development (CPD) XII sa isinagawang regional data dissemination ng 2022 NDHS kamakailan. 

Batay sa datos ng 2022 NDHS,  nasa 2.5 na lang ang total fertility rate ng Rehiyon na nangangahulugan na sa pangkaraniwan, ang isang babae sa Rehiyon Dose ay nagkakaroon ng 2 hanggang 3 anak sa kabuuan ng kanyang buhay. Ito ay mas mababa sa 4.2 o 4 hanggang 5 na anak na total fertility rate ng rehiyon noong 2017. 

Humahaba na rin ang birth interval o distansya ng magkakasunod na panganganak mula 33.1 months o halos dalawa at kalahating taon noong 2017 na nasa 44.7 o halos tatlong taon at siyam na buwan nitong 2022. 

Ayon pa rin sa 2022 NDHS, isa sa bawat dalawang babaeng may asawa sa Rehiyon ay hindi na nagnanasang magkakaroon pa ng karagdagang anak.  Mayroon namang 17 na porsiyentong nagsasabing nais pa nilang magkaanak pero sa loob ng hindi bababa sa dalawang taon. 

Nangungunang paboritong birth control method ang pills, withdrawal, at IUD. 

Bilang reaksyon, sinabi ni Director Garganian na ang mga positibong resulta ng survey ay naghahayag ng “programmatic success” hindi lang ng Department of Health kundi pati na ng iba’t ibang ahensiya na may taya sa naturang usapin. 

Naaayon din aniya ang resulta sa kanilang pangunahing mensahe na pag-isipan ang panahon ng panganganak upang maprotektahan ang kalusugan ang ina at anak at masigurong may sapat na resources bago pa ang pagdating ng bagong miyembro ng pamilya.

Gayunman, binigyang-diin ni Gargarian na dapat busisihin ang datos at tingnan kung sino sa mga babaeng 15 hanggang 49 na gulang ang nagnanais ng mas mababang bilang na anak upang maipatupad ang tama at naayon na mga programa. 

Samantala, ipinaalalahanan din niya, lalung lalo na ang mga lokal na pamahalaan na paghandaan ang responsibilidad na may sapat na serbisyo at suplay para sa family planning.  Alinsunod kasi sa Mandanas-Garcia Ruling, nakaatang na sa mga lokal na pamahalaan ang pagbili ng pills at condom na pangunahing commodity sa family planning. 

Ang 2022 NDHS ay isinagawa noong Mayo hanggang Hunyo 2022 ng Philippine Statistics Authority at pinondohan ng pamahalaang nasyunal at United States Agency for International Development (USAID). (PIA SOCCSKSARGEN)  

Desiree Concepcion Gargarnian, regional director, Commission on Population and Development XII

About the Author

Danilo Doguiles

Officer-in-Charge

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch