LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Pormal nang nilagdaan noong Agosto 2, 2023 ang Joint Resolution for the Termination of the Oil Spill Response in Oriental Mindoro sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan, mga nasyunal at lokal na ahensiya, at mga pribadong organisasyon.
Ayon kay Incident Commander CG COMMO Geronimo B. Tuvilla at Oriental Mindoro Governor Humerlito Bonz Dolor, hindi nangangahulugan na kapag i-dedemobilize ang off-shore response ay iiwan na ng Pamahalaan ang mga apektado sa lalawigan. Bagkus, patuloy pa rin ang tulong ng Pamahalaan sa mga apektadong komunidad sa probinsya.
Ayon sa pinakahuling talaan ng PCG, nakapagdeploy ng pinagsamang pwersa ng mga pribado at pampublikong sektor ng 893 responders na tumulong upang aksyunan ang naging problema sa oil spill. Mula sa bilang na ito, 417 ang mula sa PCG, 211 naman sa AFP, PNP, at iba pang mga ahensiya. 232 sa Harbor Star Shipping Services, Inc. at 34 local volunteers.
Umabot naman sa P568,070,016.49 na tulong ang nagmula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng iba’t ibang mga programa at proyekto tulad ng Emergency Cash Transfer (ECT), Cash for Work Programs (CFW), Assistance to Indivduals in Crisis Situations (AICS) at Sustainable Livelihood Program (SLP). Nagkaloob din ang DSWD ng Family Food Packs (FFPs) na umabot sa 140,000.
19,892 naman na indibidwal ang patuloy na nakikinabang sa programang Tulong Panghanapbuhay para sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Cum Production and Skills Training ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Upang tulungan ang mga mangingisda sa lalawigan, nagkaloob naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng tulong na aabot sa P60,308,393.50 sa pamamagitan ng iba’t ibang interbensyon at programa para sa mga ito.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ni Gov. Dolor sa lahat nga mga tumulong upang hirangin ang naging pagresponde sa lalawigan bilang pinakamabilis na natapos na oil spill incident response sa buong mundo. (JJGS/PIA MIMAROPA - Oriental Mindoro)