BATANGAS CITY (PIA) — Binigyang pagkilala ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang ilang mga barangay para sa maayos at epektibo nitong pagpapatupad ng wastong pamamahala ng basura sa ginanap na “Ka-BRAD Awards (Katuwang ng Barangay Responsible, Aktibo, Disiplinado Makakalikasang Aksyong Mamamayan) kamakailan.
Nasa 26 mula sa 105 barangays sa lungsod ang kinilala at tumanggap ng parangal bilang Top Performing Barangays sa Solid East Cluster.
Kabilang sa mga ito ang barangay ng Maapaz, Sampaga, Talumpok East, Mahacot Silangan, Paharang Kanluran, Pallocan West at San Jose Sico; Solid Upland - Haligue Silangan, Tabangao Dao, Maruclap, Dumuclay; Solid North ay Sorosoro Ibaba, Bolbok, Balagtas, Balete, Bucal, Banaba South, Tinga Labac; Solid Poblacion - Pob. 6, Pob. 24, Pob. 1, Pob. 13, Pob. 2 at Pob. 12; Solid Baybay - Talahib Pandayan, Tabangao Ambulong, Pagkilatan, Dela Paz Pulot Itaas, Dela Paz Pulot Aplaya, San Agapito at San Andres.
Wagi naman bilang Best Barangay in Community Involvement ang mga barangay ng Talahib Pandayan, Maapaz, Sororo Ibaba, Poblacion 13, Haligue Silangan
Nahirang naman na Best Barangay in Materials Recovery Facility Operations ang mga barangay ng Dela Paz Pulot Itaas, Tabangao Ambulong, Sampaga, Balagtas, Balete, Sorosoro Ibaba at Haligue Silangan.
Para sa Best Barangay in Innovation and Sustainability, napili ang Barangay Tabangao Ambulong, Talumpok East, Sorosoro Ibaba, Poblacion 24 at Tabangao Dao.
Ginawaran naman ng Best Barangay in Beautification ang Pagkilatan. Maapaz, Bolbok, Sorosoro Ibaba, Poblacion 2 at Tabangao Dao.
Ayon sa Batangas City Solid Waste Management Board (BCSWMB) na silang nanguna sa paggawad ng parangal, ilan sa naging batayan ng pagpili ng mga nagwagi ay ang husay sa implementasyon ng waste segregation, pagkakaroon ng solid waste management plan, at aktibong pakikibahagi sa mga programa ng pamahalaang lungsod pagdating sa pamamahahala ng basura.
Kabilang din anila sa naging batayan ang pagkakaroon ng materials recovery facilities sa kanilang komunidad at pagpapatupad ng inobasyon o makabagong pamamaraan upang mabawasan ang basura sa kanilang mga komunidad.
Sa mensahe ni Mayor Beveryly Dimacuha, hiniling niya sa mga barangay ang patuloy na pakikibahagi ng mga ito sa mga programa ng pamahalaang lungsod pagdating sa pagpapanatili ng kalinisan.
“Sana po kahit walang ganitong pagkilala ay kinakailangang tayo ay magsimula na manguna at ituloy lamang ang nasimulang paglilinis at pagpapaganda ng kapaligiran lalo na ang tamang pangangasiwa ng basura, kapag sinimulan po natin ito at laging ginagawa,makakasanayan na natin ang paglilinis,”ani Dimacuha. (BPDC)