CALAMBA CITY, Laguna (PIA) – Hinihikayat ng Komisyon sa Wikang Filipino ang publiko na makilahok at makiisa sa mga aktibidad na inihanda ng kanilang ahensiya bilang paggunita sa Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto 2023.
Sa programang Sulong Calabarzon kamakailan, inilahad ni Angelica Ellazar, senior language researcher ng KWF, ang mga aktibidad ng KWF ngayong Agosto na layong mapalawak at malinang ang kaalaman ng publiko pagdating sa Wikang Filipino.
Kabilang sa mga ito ang isang webinar na isasagawa tuwing Miyerkules sa buong buwan ng Agosto batay sa temang, “Filipino at mga Katutubong Wika; Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”
Aniya, tatalakayin dito ang mga paksa tulad ng Pagtataguyod sa Filipino Sign Language (FSL) bilang Pambansang Wikang Senyas ng Pilipinas, Mga Wikang Katutubo: Midyum ng Pagtuturo, Pananaliksik at Pagkakaisa, Mga Wikang Katutubo: Kasangkapan ng Siyensiya at Teknolohiya tungo sa Maunlad na Bansang Pilipinas, Mga Wikang Katutubo: Pambansang Pag-uswag at Pakikipagkapuwa sa Pagpapaunlad ng Katarungang Panlipunan at Wikang Filipino: Wikang Mapagbangon.
Bukod sa webinars ay maglulunsad rin ang KWF ng mga bagong aklat sa ilalim ng Proyektong Aklat Bayan.
Ito ay serye ng publikasyon na inilalathala ng KWF na layong maipamahagi sa mga Filipino ang mga napapanahon, wasto, at mahalagang kaalaman at pagpapahalagang Filipino na sumailalim sa katangi-tanging saliksik at mga likha na nagtatampok sa paggamit ng Filipino bilang wika ng karunungan.
Magkakaroon rin aniya ng programa sa darating na ika-25 ng Agosto upang bigyang pagkilala ang mga nagwagi sa timpalak na Sanaysay ng Taon at Dangal ng Wika.
“Gagawaran din po ngayong buwan ang mga nagwagi sa Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko at dagdag pa dito, ang Komisyon sa Wikang Filipino ay nagbibigay ng grant sa mga sentro ng wika at kultura na naka-house po sa mga state universities and colleges sa buong bansa,” dagdag ni Ellazar.
Ibinida rin ni Ellazar na naglunsad ang ahensya ng KWF Diksiyonaryong Filipino na maaaring magamit at ma-access online ng mga mag-aaral, guro at iba pa.
“Mayroon na rin pong diksyunaryo ng Wikang Filipino ang KWF na hindi na po natin kailangan bitbitin yung mga makakapal na dictionary, mayroon na pong available online na pwedeng gamitin ng ating mga mag-aaral, mananaliksik, guro, at maging ng media po." (CO/PIA 4A)