BATANGAS CITY (PIA)—Matagumpay na isinagawa ng Government Service Insurance System (GSIS) ang isang Stakeholders Dialogue na ginanap sa Batangas Country Club sa lungsod na ito noong ika-11 ng Agosto,2023.
Ang dayalogo ay dinaluhan ng mga kawani ng iba’t-ibang pamahalaang lokal at nasyunal kung saan inilahad ang iba’t ibang mga programang ipinagkakaloob ng ahensya sa kanilang mga miyembro at nasasakupan.
Nagsilbing panauhing tagapagsalita si GSIS President and General Manager Jose Arnulfo A. Veloso at binigyang diin ang pangunahing mga serbisyo ng kanilang tanggapan gayundin ang mga CSR o corporate social responsibility ng kanilang ahensya.
Isa sa mga CSR ng ahensya ang adopt-a-school program kung saan naging benepisaryo ang Haligue Silangan National High School(HSNHS) at nagkaloob ng ICT equipment na nagkakahalaga ng Php400,000.00
Sa mensahe ni G. Allen Arellano, kinatawan ng HSNHS ay nagpaabot ito ng ibayong pasasalamat sa pagbibigay ng kagamitan para mapakinabangan ng mga mag-aaral dito.
“Bagama't hindi pa masyadong nagtatagal ang aming paaralan ay natutuwa kami na kami ay napiling maging benepisaryo ng GSIS, malaking tulong ito sa aming mga estudyante dahilan sa noong nagsisimula ang paaralan ay iniisip ng pamunuan kung saan kukuha ng mga kagamitang kailangan ng mga mag-aaral dito. Naging sagot ang Adopt-A-School-Program ng GSIS sa aming mga alalahanin na mabigyan ng sapat na gamit ang mga mag-aaral upang mas maintindihan nila ang kanilang aralin," ani Arellano.
Nagkaloob din ng Milestone Benefit sa isang GSIS pensioner sa katauhan ni Bb. Erlinda Taylan na nabigyan ng halagang P20k at personal na iniabot ito ni PGM Veloso.
Nagkaroon din paggagawad ng titulo ng bahay sa mga tumangkilik sa programang Pabahay sa bagong Bayaning Manggagawa (PBBM).
Ang PBBM program ng ahensya ay nagsimula noong Mayo upang matulungan ang gobyerno sa housing shortfall nito na anim na million.
Ang three-pronged Pabahay Strategy ng GSIS ay binubuo ng rent-to-own scheme o Lease With Option to Buy (LWOB); extended Housing Accounts Restructuring and Condonation Program (HARCP) at ang affordable housing units for government workers na inisyal na ipapatupad sa Quezon City at lalawigan ng Rial.
Sa ilalim ng LWOB program, may karapatan ang kasalukuyang occupant ng isang housing unit na siyang mabigyan ng karapatan na bumili nito sa panahon na ito ay kanyang inuupahan. Ito ay maaaring bayadan ng cash o installment na walang down payment. Kung ang isang housing unit ay walang nakatira, sinumang kwalipikadong Filipino ay maaaring bumili nito.
Ang mga kawani ng pamahalaan ay maaaring magkaroon ng two-bedroom units na nagkakahalaga ng P1.6M sa pamamagitan ng iba’t-ibang termino at abot kayang financing plan na walang kalangang downpayment at may 30 taong repayment period sa halagang P12,000.00 kada buwan.
Kabilang sa mga nabigyan ng titulo si G. Carlos Caballe, isang retired military personnel at kasalukuyang naninirahan sa Sto. Nino Villa de Lipa.
Ayon kay Cabales, napakalaking tulong ng naturang programa sa tulad niyang simpleng kawani ng pamahalaan dahilan sa hindi siya magkakaroon ng sariling bahay at lupa kung hindi dahil sa programang tulad nito.
Iginawad din ng GSIS ang parangal sa Top Performing Agencies na may pinakamalaking binayarang premiumspara sa general insurance coverage mula Agosto 2022 hanggang Hulyo 2023.
Nakamit ng Lalawigan ng Batangas ang unang puwestona may total sum insured na mahigit P1.5B at total premiums paid na halos P12M. Pumangalawa naman ang City Government of Batangas na may total sum insured na P765M at total premium paid na umabot ng P10.4M. Nakamit naman ng Provincial Government of Oriental Mindoro ang ikaltong puwesto na may total sum insured na mahigit P1B at total premiums paid na P8.5M.
Sa mensahe ni Batangas Governor Hermilando Mandanas, sinabi nito na patuloy ang kanilang pagsuporta sa programa ng GSIS at pagsunod sa mandato na makapagbigay ng tama at sapat na serbisyo sa mga miyembro nito. (BPDC)