LUCENA CITY, Quezon (PIA) — Nakatakda nang buksan sa Setyembre ang San Francisco Municipal College (SFMC) na may tatlong kurso na maaaring kunin ng mga estudyante dito.
Sa idinaos na Kapihan sa PIA Quezon noong Agosto 16, sinabi ni San Francisco Municipal College School Administrator Dr. Pinky Mariel Mangaya na ang available na mga kurso dito ay Bachelor of Science (BS) in Technical Vocational Teacher Education, BS in Entrepreneurship at BS in Tourism Management na naaayon sa patakaran ng Commission on Higher Education (CHED).
Sinabi naman ni San Francisco Municipal Administrator Jeff Panopio Jumarang na tatanggap muna ang SFMC ng 200 estudyante na mula sa mahihirap na pamilya dito bilang iskolar ng bayan.
“Ang pamahalaang lokal ng bayan ng San Francisco ang magbabayad ng mga bayarin sa SFMC maliban sa miscellaneous fees," ani Jumarang.
Ayon pa din sa kanya na prayoridad ni San Francisco Mayor Romulo Edaño, Sr. na magkaroon ng kolehiyo sa kanilang bayan upang mabigyan ng oportunidad ang mga mahihirap na pamilya dito na makapag-kolehiyo ang kanilang mga anak.
“Dati ang mga estudyante dito ay pumupunta pa sa bayan ng Mulanay para lamang mag-aral sa kolehiyo, ngayon ay may sarili ng kolehiyo ang aming bayan’, dagdag pa ni Jumarang.
Ang San Francisco ay isa sa mga malalayong bayan sa lalawigan na nagkaroon na ng sariling kolehiyo. (Ruel Orinday- PIA Quezon)