Naging matagumpay ang pagpapatupad ng itinakdang price cap sa bigas, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang media briefing na ginanap sa Quezon City noong Martes. Ito ay batay sa mga ulat mula sa isang pagpupulong ng mga sektor na nagsagawa ng Executive Order (EO) No. 39.
Sa pahayag ng Pangulo, nauunawaan niya kung may mga ilang maliit na nagtitinda ng bigas ang nag-aalanganing sundin ang kautusan dahil hindi pa nila tiyak kung makatatanggap sila ng kompensasyon. Idinagdag pa nito na makatutulong ang Department of Social and Welfare Development (DSWD) sa pamamahagi ng mga livelihood grants upang hikayatin ang mga nagtitinda na sumunod sa itinakdang price cap.
“Last Saturday, nagsimula na sila na magbigay ng tulong sa ating mga retailer at para nagkaroon naman ng effect na ‘yung iba na ayaw magtinda muna ng kanilang bigas ay dahan-dahang lumalabas na dahil nakakasiguro sila na kahit papaano mayroon silang matatanggap para kapalit doon sa kung malulugi sila dahil sa pagbili nila ng [bigas sa] mataas na presyo,” ani PBBM.
Batay sa ibinigay na listahan ng Department of Trade and Industry (DTI), mayroong 5,942 na mga nagtitinda ng bigas na naapektuhan. Sila ay may business permits sa mga pampubliko at pribadong merkado, at maaaring mabigyan din ng grant batay sa pagsusuri ng DTI.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na ang itinakdang price cap sa bigas ay hindi pangmatagalan na solusyon sa problema ng pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.
Nilinaw ng pangulo na ang mandated price cap ay pansamantalang hakbang lamang hanggang sa magkaroon ng sapat na suplay ng bigas mula sa lokal na mga produksyon at mga importasyon. (HJPF -- PIA SarGen)