No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mother-baby friendly initiatives ng Lucena City, kinilala ng DOH

LUCENA CITY (PIA) — Binigyang pagkilala ng Department of Health (DOH) ang pamahalaang lungsod ng Lucena kamakailan para sa mga inisyatibo at pagtataguyod nito ng mga "mother-baby-friendly facilities" sa lungsod.

Sa isinagawang 1st Regional Mother-Baby Friendly Calabarzon Awards ng DOH Center for Health Development Calabarzon, ginawaran ang pamahalaang lungsod ng Lucena bilang isa sa mga may pinakamaraming "certified mother-baby friendly workplaces and establishments" sa buong rehiyon.

Bukod dito, tumanggap din ng pagkilala ang Lucena City para sa ilan pang mga kategorya kabilang ang pagiging finalist para sa ‘LGUs with the highest number of mother-baby friendly certified schools, birthing homes, at health facilities' para sa taong 2014 hanggang 2023.

Maliban dito ay tumanggap din ng parangal ang lungsod bilang isa sa mga lokal na pamahalaan sa buong Calabarzon na nagbibigay pagpapahalaga sa breastfeeding at nagpatupad ng mga programa at hakbang kaugnay nito.

Personal na tinanggap ni Lucena City Mayor Mark Alcala ang mga parangal kasama ang City Health Office sa katauhan nina City Health Officer Dra. Jocely Chua, City Nutritionist Azenith Ramos, at Adolescent Health Program Coordinator Jessa Isaguirre.

Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Alcala ang patuloy na pagsusulong at pagbibigay prayoridad ng pamahalaang lungsod sa mga ina at kanilang mga kapapanganak na sanggol.

Ayon sa alkalde, mayroong 'womb to tomb' program ang lokal na pamahalaan ng Lucena City kung saan ay binibigyang prayoridad ang mga Lucenahin simula ng sila’y isinilang hanggang sa kanilang pagkamatay.

“Bukod dito, mayroon din pong mother-baby program na Movement Against Malnutrition o MAMA at Ligtas Buntis program ang pamahalaang lokal ng Lucena,” sabi pa ng alkade

Nagpasalamat din ang alkalde sa mga pagkilalang natamo ng Lucena magiging lakas ito ng lungsod upang itaguyod pa lalo ang pagiging mother-baby friendly ng Lucena City. (Ruel Orinday-PIA Quezon)

About the Author

Ruel Orinday

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch