No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga residente sa paligid ng Bulkang Taal, pinag-iingat sa volcanic smog

BATANGAS CITY (PIA) — Maigting na tinututukan ngayon ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang pagsubaybay at pagpapadala ng tulong sa mga komunidad na apektado ng volcanic smog (vog) sa paligid ng Bulkang Taal dulot ng mataas na antas ng sulfur dioxide na ibinubuga nito.

Ayon sa Batangas PDRRMO, patuloy ito sa paghimok sa mga naninirahan sa paligid ng Taal Lake na umiwas muna na lumabas ng bahay kung walang importanteng gagawin upang makaiwas sa vog.

Nagbigay din ng paalala si Dr. Amor Calayan, PDRRMO Chief, na dapat ay standard N95 masks na may code na 1860 ang gamitin upang matiyak na mabisa at mapoprotektahan laban sa vog at maaaring masamang epekto nito sa kalusugan ng mga naninirahan sa apektadong lugar.

Ani Calayan, aabot na sa 62,000 N95 masks ang napamahagi ng kanilang tanggapan sa mga apektadong komunidad sa paligid ng bulkan.

Sa ulat ni Balete DRRM Officer Jocelyn Tangpuz sa pagpupulong ng Batangas PDRRMO nitong Miyerkules, may anim na mag-aaral mula sa senior high school ang nakaanas ng pangangati ng balat, hirap sa paghinga at atake ng asthma sa ilan sa kanila.

Dagdag ni Tangpuz, umabot na rin sa P1.9M ang tinatayang pinsala ng vog sa sektor ng agrikultura sa kanilang bayan.

Bunsod ng nararanasang vog ay nagdesisyon naman ang ilang mga paaralan na sakop ng bayan ng Agoncillo, Laurel at Tanauan City na bumalik pansamantala sa modular distance learning o alternative delivery mode para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Sa Taal Volcano Bulletin na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology nitonh Setyembre 21, nakapagtala ng anim na volcanic tremors ang Bulkang Taal nitong Miyerkules habang aabot naman sa 4,322 tonelada kada araw ng sulfur dioxide ang ibinuga nito. (Bhaby De Castro, PIA Batangas)

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch