BATANGAS CITY (PIA) — Patuloy ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Calabarzon sa pagtutok sa volcanic smog (vog) mula sa Bulkang Taal at paghahatid ng tulong sa mga komunidad na apektado nito.
Sa pagpupulong ng RDRRMC Calabarzon ngayong Biyernes, Setyembre 22, inilatag ng mga kasaping ahensiya ang mga hakbang na isinasagawa nito upang matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Ayon kay Dr. Amor Calayan, PDRRMO chief, mas dumami pa ang mga lugar sa Batangas gayundin sa mga kalapit na probinsya ang nakararanas ng vog dulot ng mataas na antas ng sulfur dioxide na ibinubuga ng Bulkang Taal.
Nitong Biyernes, Setyembre 22, aabot sa 50 na lokal na pamahalaan sa Calabarzon ang nadeklara ng suspensyon ng klase bilang pag-iingat sa masamang epekto ng vog sa kalusugan ng mga bata.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Sesimology (Phivolcs), nitong Huwebes, ay nakapagtala ng limang volcanic tremors ang Bulkang Taal habang aabot naman sa 4,569 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga nito. Nagkaroon din ng upwelling na mainit na volcanic fluids sa main crater lake na siyang nagdudulot ng vog at malakas na pagsingaw na aabot sa 2,400 metrong taas.
Ayon kay Dr. Voltaire Guadalupe mula sa DOH Calabarzon, ang vog ay itinuturing na panganib sa kalusugan lalo na sa mga taong may respiratory illness, asthma, chronic obstructive pulmonary disease, gayundin sa mga bata at senior citizen. Kaya naman aniya ay maigting na tinututukan ngayon ng DOH CHD Calabarzon ang mga naitalang kaso ng sakit dulot ng vog.
Dagdag ni Guadalupe, itinaas na rin sa code white alert ang buong DOH Calabarzon at mga ospital nito upang mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga residenteng tatamaan ng sakit dulot ng vog. Patuloy din ito sa pamamahagi ng face masks at nakaantabay na rin ang iba pang kagamitan tulad ng respirator at mga gamot sakaling kailanganin.
Tiniyak din ni Guadalupe ang tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan ng kanilang ahensiya sa mga local task forces at incident management teams para sa mabilis na aksyon sakaling magkaroon ng health emergencies.
Samantala, inihahanda na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga kaukulang tulong para sa mga apektadong residente. Iniulat ni Frederick Bargas ng DSWD IV-A na patuloy ang pagsusuri at pagtukoy ng kanilang ahensiya sa bilang ng mga apektadong residente kabilang na ang mga maituturing na mayroong "economic struggles" dahilan sa paglimita ng paglabas sa tahanan.
Batay sa ulat ni Bargas, mayroong 2,891 evacuation center at 79,458 food at non-food items na naka-standby sa 53 warehouses ng DSWD sa buong rehiyong kung saan 15 ay nasa Batangas.
Nananatili naming naka-alerto ang Philippine Information Agency (PIA) Calabarzon sa mga kaganapan sa Bulkang Taal kung saan patuloy ang pagpapalaganap nito ng mga advisory mula sa Philvolcs kaugnay ng kalagayan ng bulkan gayundin ng iba’t ibang impormasyon na nakasentro sa mga hakbang ng gobyerno upang tugunan ang epekto ng vog.
Katuwang ng PIA ang iba pang ahensiya ng pamahalaan kabilang ang Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government.
Inihayag rin ng PNP Calabarzon na nakaantabay ang kapulisan at mga kagamitan nito na maaaring magamit kung kinakailangan ng ilikas ang mga residenteng nakatira sa paligid ng Bulkang Taal.
Patuloy naman ang RDRRMC Calabarzon sa pagpapaalala sa publiko kaugnay ng mga dapat gawin para maiwasan ang masamang epekto dulot ng vog.
Samantala, patuloy din ang pagsusuri ng Department of Agriculture (DA) sa lawak at halaga ng pinsala sa agrikultura ng naturang vog.
Nakatakda namang ilabas ng DENR-EMB ang resulta ng manual testing sa air quality monitoring na isinagawa ngayong araw sa bahagi ng Tagaytay City sa Cavite, Laurel at Talisay sa Batangas.
Maglalabas naman ng isang advisory ang Phivolcs upang matigil ang maling balita na kumakalat sa social media at nagdadala ng pagkabahala sa publiko. (BDC - PIA Batangas)