No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga katuwang ng pamahalaan sa vax drive kontra tigdas, polio, kinilala ng DOH Calabarzon

BATANGAS CITY (PIA) — Binigyang pagkilala ng Department of Health Center for Health  Health Development Calabarzon (DOH Calabarzon) ang mga ahensiya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at iba pang katuwang nito sa pagpapatupad ng measles-rubella and oral polio vaccine supplemental immunization activity (MR-OPV SIA) sa buong rehiyon.
 
Aabot sa 150 na mga organisasyon at indibidwal ang kinilala ng DOH sa ginanap na MR-OPV-SIA Recognition Ceremony sa Lima Park Hotel, Lipa-Malvar, Batangas nitong Biyernes, Setyembre 29.
 
Sa panayam kay Dr. Leda Hernandez, Assistant Regional Director, sinabi nito na isang malaking tagumpay ang pagpapatupad ng MR-OPV SIA sa rehiyon ng Calabarzon na mayroong napakalaking populasyon.
 
“Mayroong 1,031,959 na bata na nabakunahan sa kabuuang 1,360,923 o 76% ng targeted population at ito ay utang natin sa lahat ng andito na binigyang pagkilala dahil sila ang katuwang ng aming ahensya upang tulungan kami na i-advocate at mahikayat ang karamihan sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak," ani Hernandez.
 
"Bagama't may ilang hesitant na magpabakuna ng kanilang mga anak, sa health advocacies na isinagawa namin ay napaliwanagan sila at dahil dito nabakunahan ang kanilang mga anak,” dagdag nito.
 
Batay sa datos ng DOH Calabarzon, aabot sa 1,031,959 na mga bata o 75.87% ng target na populasyon ang nabakunahan nito kontra tigdas at rubella habang 213,296 naman o 72.55% ng target na populasyon ang nabigyan ng oral polio vaccine.
 
Nakamit ng mga sumusunod na lokal na pamahalaan ang "Good Jab Award" na may pinakamataas na MR vaccine jabs: Batangas (Nasugbu, Rosario, San Juan);  Cavite (Silang, Tanza, General Mariano Alvarez); Laguna (Sta. Cruz, Los Baños, Calauan); Quezon (Sariaya, Candelaria, Tiaong); at, Rizal (Rodriguez, Binangonan, Cainta).
 
Ginawaran naman ang Lipa City, Dasmariñas City, Calamba City, at Lucena City bilang mga lungsod na may pinakamaraming nabakunahang bata laban sa measleas at rubella.
 
Samantala, ginawaran din ang mga sumusunod na lokal na pamahalaan na may pinakamataas na kabuuang porsyento pagdating sa pagbabakuna kontra tigdas at rubella: Batangas (Padre Garcia, San Jose, Alitagtag); Cavite (Naic, General Mariano Alvarez, Maragondon); Laguna (Famy, Majayjay, Mabitac); Quezon (Plaridel, Sariaya, Quezon); at, Rizal (Pililla, Baras, Binangonan).
 
Kinilala naman Calaca City, Tagaytay City, Santa Rosa City, Lucena City, at Antipolo City, bilang mga lungsod na may pinakamataas na porsyento pagdating sa MR vaccination.
 
Itinanghal naman ang bayan ng Sariaya sa Quezon bilang may pinakamataas na bilang pagdating sa pagbabakuna kontra polio para sa municipal level habang habang ang Antipolo City, Bacoor City, at Calamba City ang  may pinakamataas na OPV vaccination sa mga lungsod.
 
Nakuha naman ng Padre Garcia ang may pinakamataas na porsyento para sa OPV vaccination habang nakamit naman ng Batangas City, Calamba City at Lucena City ang una, ikalawa, at ikatlong pwesto para sa city level.

 
Bukod sa mga lokal na pamahalaan, ginawaran din ng pagkilala ang iba’t ibang media stakeholders kabilang ang Philippine Information Agency-Calabarzon, Philippine National Police, Philipine News Agency, Radyo Pilipinas, UNTV, at Brigada Batangas na naging katuwang ng ahensiya sa pagpapalakas ng vaccine demand generation.
 
Kinilala din ng DOH Calabarzon ang maigting na suporta ng World Health organization, United Nations Childrens Fund Phils., United State Agency for International  Development, Philippine Pediatric Society, Philippine Red Cross, Department of Inerior and Local Government at marami pang iba. (Bhaby P. De Castro, PIA Batangas)
  
 

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch