Mahigit PhP1.8 milyon ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga benepisyaryo ng cash-for-work program nito sa bayan ng Mulanay, kamakailan.
Ayon sa Mulanay Public Information Office, may 470 indibidwal ang tumanggap ng tig-Php4,000 kapalit ng pagtatrabaho na malaki ang tulong sa kanilang sarili at sa pamayanan.
Nagtrabaho sa loob ng 10 araw ang mga benepisyaryo ng programa kagaya paggawa ng backyard composting, vermicomposting at plastic waste up-cycling bilang bahagi ng risk resiliency program climate change adaptation and mitigation program ng DSWD.
Katuwang ng MSWDO ang tanggapan Social Waste Management ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng programa. Layon nito na mabigyan ng pansin ang pangangalaga sa kalikasan habang nabibigyan ng pagkakataon ang mga Mulanayin na kumita ng pera.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Aris Aguirre sa DSWD sa pagpapatupad ng naturang programa sa kanilang bayan.
“Nagpapasamat po ako sa Department of Social Welfare and Development sa pagkakaroon ng ganitong uri ng programa dito sa bayan ng Mulanay sapagkat malaking tulong ito sa ating mga kababayan lalo na yaong mga mahihirap na walang hanapbuhay,” ani Aguirre. | Ruel Orinday, PIA Quezon