LUCENA CITY (PIA) — Dalawang proyektong patubig ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang mapapakinabangan na ng mga residente mula sa mga bayan ng Tiaong at Sariaya.
Kabilang dito ang apat na water supply system sa Sariaya na pormal nang pinasiyaan ni Gov. Helen Tan noong Biyernes, Oktubre 6.
Mahigit 400 kabahayan mula sa mga barangay Bucal, Sampaloc II, Concepcion Pinagbakuran, at Concepcion I ang inaasahang maseserbisyuhan nito.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, umabot na sa 25 na proyektong patubig sa bayan ng Sariaya ang naisakatuparan nito sa ilalim ng Serbisyong Tunay at Natural program ng gobernadora.
Bukod dito, pinaigting din ni Tan ang pagbibigay ng water filter sa bawat barangay, upang maging mas ligtas inumin ang tubig sa kanilang lugar.
Kasunod nito ay pinasinayaan din ni Tan ang solar irrigation water pump sa Brgy. Tagbakin Tiaong, Quezon.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Tan na malaking tulong ito para sa mga magsasaka ngayong nakararanas ang bansa ng El Niño.
"Ngayon po ay El Niño, so wala po talagang ulan. Kayo po ay mapalad, dahil ang iba pong bahagi ng ating lalawigan ay hindi na nakapagtanim dahil walang ulan, wala din pong irrigation," ani Tan
Ayon sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon, ito ang kauna-unahang solar water pump na naisakatuparan nila sa ilalim ng Sariling Sikap program ni Tan na nagkakahalaga ng P3.5 milyong piso.
Ang solar hybrid submersible pumps ay may horse power na 2.2 kilowatt habang ang mga tangke nito ay kayang maglaman ng 4,000 litro na kayang magbigay ng suplay ng tubig para sa mga palayan at mga residente nito. (Ruel Orinday, PIA Quezon)