LUCENA CITY (PIA) — Aabot sa 200,000 katao sa iba't ibang bahagi ng Calabarzon ang natulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) magmula Enero hanggang Setyembre 2023.
Sa panayam sa programang Kapihan sa PIA Quezon, sinabi ni Atty. Roy L. Buenafe, regional director ng DOLE Calabarzon, na target ng kanilang tanggapan na matulungan ang nasa 300,000 indibidwal ngayong taon.
“Wala pong pinipiling tao sa programang TUPAD na ang target ay ang mga walang trabaho o 'yung mga displaced at disadvantaged workers,” ani Buenafe.
Sinabi pa ni Buenafe na kailangang makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan ang mga taong interesadong mapabilang sa programa.
Sa ilalim ng programang TUPAD, ang mga benepisyaryo ng programa ay kailangang magsagawa ng mga community service gaya ng paglilinis ng mga lansangan sa mga barangay, health centers at mga paaralan, at iba pang uri serbisyo sa komunidad kung saan ang bilang ng pagseserbisyo ay naaayon sa mga itinakdang araw.
Layon ng programa na mabigyan ng agarang trabaho o emergency employment ang mga manggagawang nawalan ng hanapbuhay gayundin ang mga naging biktima ng kalamidad tulad ng bagyo, baha, at lindol. Ayon sa DOLE, sa pamamagitan ng TUPAD ay natutulungan ang mga displaced workers na bumalik sa normal na pamumuhay habang sila ay naghahanap ng trabaho.
Samantala, sinabi rin ni Buenafe na hindi lang pagbibigay ng trabaho ang isa sa mga serbisyong ipinagkakaloob ng DOLE, tungkulin din nila aniya na matulungan ang mga manggagawa na pangalagaaan at ipaglaban ang mga kanilang mga Karapatan. (Ruel Orinday-PIA Quezon)