BATANGAS CITY (PIA) — Pormal na binuksan ng Department of Trade and Industry (DTI) Batangas ang "Coco Lakal 2023" trade fair sa SM City Lipa nitong Linggo, Oktubre 15 tampok ang iba't ibang produkto ng niyog mula sa mga samahan ng mga magniniyog at kooperatiba sa lalawigan.
Ayon kay Leila Cabreros, provincial director ng DTI Batangas, mahigit 20 micro, small, at medium enterprises at samahan ng mga magniniyog ang nakibahagi sa trade fair.
“Binigyang focus po namin ngayon ang mga produkto ng ating mga coconut farmers bilabg bahagi ng CFIDP o Coconut Farmers Industry Development Plan program ng DTI bagama't mayroon din tayo ditong mga iba pang local MSMEs na tampok ang kanilang produkto," ani Cabreros.
"Malaking tulong ang mga ganitong trade fair sa ating mga coconut farmers dahil maiitampok nila ang kanilang mga produkto,” dagdag nito.
Aniya, patuloy ang kanilang tanggapan sa pagpapalakas ng industriya ng pagniniyog sa pamamagitan ng iba't ibang programa kabilang ang KMME o Kapatid Mentor ME program at One Town One Product Next Gen kung saan ang mga MSMEs ay binibigyan ng kaukulang pagsasanay sa pagnenegosyo at pagpapaunlad pa ng kanilang mga produkto.
Dagdag ni Cabreros, hindi rin sila tumitigil sa pagbibigay ng webinars at seminars para mas makapagbigay ng karagdagan at panibagong kaalaman sa mga MSMEs sa lalawigan ng Batangas.
Ayon naman kay Warren de Guzman, Philippine Coconut Authority Batangas -Cavite Provincial Manager, makatutulong ang mga ganitong aktibidad upang makilala ang mga produktong ginagawa ng mga magniniyog sa lalawigan.
Nagpahayag din ito ng buong suporta sa pagsusulong ng CFIDP program kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan upang matulungan pa ang mga coconut farmers sa susunod na 50 taon.
Sa mensahe ni DTI Calabarzon Regional Director Marissa Argente, pinuri nito ang pamunuan ng DTI Batangas sa pagsusulong ng mga ganitong programa at hinikayat na irehistro ang mga programa at festivals na meron sa lalawigan upang magkaroon ng pagkilala.
Nagpaabot din ito ng pasasalamat sa Department of Science and Technology (DOST) sa pagiging katuwang nila sa pagpapatupad ng mga programang makatutulong sa mga maliliit na nagnenegosyo.
Nagpaabot din ito ng pasasalamat sa mga media partners na patuloy na nagsisilbing kamay at paa sa pagpapalaganap ng mga programa ng kanilang ahensya.
Ang trade fair ay tatagal mula Oktubre 16 hanggang Oktubre 19 sa SM Lipa Events Center. (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas)