No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

'Pila, boto, uwi policy' sa halalan, ipatutupad ng COMELEC Cotabato City

LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Mahigit na ipatutupad ng Commission on Elections (COMELEC) Cotabato City sa lungsod ang "pila, boto, uwi policy" para sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Lunes, Oktubre 30.

Sa ginanap na press conference noong Oktubre 25, sinabi ni Atty. Norpaisa Paglala-Manduyog, election officer ng Cotabato City, layon ng nasabing polisiya na maiwasan ang pagdagsaan ng mga tao sa mga voting center.

Aniya, makatutulong din ang nasabing polisiya upang mas maging maayos at mapayapa ang gaganaping halalan.

Binigyang-diin din ng opisyal na mas pinalalakas pa ng tanggapan ang pakikipagtulungan sa mga security sector upang masiguro ang kaligtasan ng mga botante at mga magbibigay serbisyo sa BSKE.

Samantala, hinikayat ng COMELEC Cotabato City ang publiko na bumoto sa araw ng halalan at gamitin ang pagkakataon na pumili ng mga susunod na lider sa kani kanilang mga lugar.

Bilang paghahanda sa halalan ngayong Lunes ay binuksan na rin ng COMELEC ang online precinct finder nito na https://precinctfinder.comelec.gov.ph/voter_precinct upang mahanap ng mga botante ang mga nakatalagang voting precint kung saan sila boboto.

Sa araw ng halalan ay kailangang magdala ng mga botante ng voter’s ID o anumang valid ID bilang patunay ng pagkakakilanlan.

Batay sa pinakahuling datos ng COMELEC BARMM, ang rehiyon ay mayroong 2,740,000 rehistradong botante para sa barangay election at humigit-kumulang isang milyong eligible voters para sa sangguniang kabataan election.

About the Author

Lean Twinkle Bolongon

Job Order

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch