No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Response vehicles, ipinamahagi sa mga barangay sa Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — May 186 multi-purpose response vehicles (MRV) ang ipinamahagi ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas sa mga barangay ng iba’t ibang munisipalidad at lungsod sa lalawigan kamakailan.
 
Pinangunahan ni Gov. Hermilando Mandanas, Vice Gov. Mark Leviste at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan kasama ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan ang pamamahagi ng mga naturang sasakyan.
 
Inaasahang malaki ang maitutulong ng mga MRVs sa barangay lalo na sa pangangailangang pang-transportasyon ng mga residente dito.
 
Ayon kay Mandanas, hindi nagkukulang ang pamahalaang panlalawigan sa paghanap ng paraan upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan lalo na sa mga barangay.
 
“Hangad natin na mabigyan ng ganitong MRVs ang lahat ng nasasakupang barangay sa lalawigan, nauna na dito ay nagkaloob na ang probinsya sa naunang batch ng mga LGU’s na nasa paligid ng Taal Lake at ngayon nga ginagawa natin ang second batch," ani Mandanas.
 
"Inaasahan nating hindi lamang sa panahon ng sakuna o kalamidad maging kapaki-pakinabang ang sasakyang ito kundi maging sa araw-araw na paglilingkod sa barangay. Nais ko ding pasalamatan ang Sangguniang Panlalawigan at iba pang naging katuwang natin upang maisakatuparan ito”, dagdag ng Gobernador.
 
Sinabi ni Pangulong Rodolfo Zara mula sa Brgy. Sampaguita sa lungsod ng Lipa na malaking tulong ang pagkakaroon ng nasabing sasakyan lalo na sa pagtugon sa emergency sapagkat mabilis silang makakatugon sa iba pang pangangailangan ng barangay.
 
Matatandaang noong Oktubre 2022, napagkalooban ang mga barangay sa mga bayang nakapalibot sa Lawa ng Taal, coastal areas at low-lying communities sa lalawigan ng Batangas ng mga MRVs na kanilang magagamit sa pagpapaabot ng serbisyo sa kanayunan.
 
Nakita ng pamahalaang panlalawigan ang malaking pangangailangan sa mga ganitong uri ng sasakyan matapos ang pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 2020.
 
Ang mga MRVs na ito ay nagtataglay ng mga kagamitan para sa rescue, medical at community evacuations at radio communications na magagamit sa pagtugon sa panahon ng kalamidad. (BPDC, PIA Batangas)
 

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch