SAN ANTONIO, Quezon – Umabot sa 3,662 na mamamayan sa bayang ito ang natulungan ng medical mission na isinagawa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon.
Kabilang sa mga ipinagkaloob sa mga residente ay libreng medical check-up, tuli, dental extraction, minor surgery sa mga may bukol, eye check-up, urinalysis, ultrasound, check-up para sa mga buntis, X-ray, at pagbabakuna ng PCV 23 o anti-pneumonia vaccines.
Ayon sa Quezon Public Information Office, ang libreng konsultasyon ay pinanagunahan ng medical team ng pamahalaang panlalawigan na isa sa mga programang pangkalusugan ni Gov. Angelina Tan.
Bukod sa mga nasabing serbisyong medikal, nagkaroon din ng libreng pagpapatingin at pagbabakuna ng anti-rabies para sa mga alagang hayop ang Office of the Provincial Veterenarian na pinamumunuan ni Dr. Flomella Caguicla.
Katuwang sa pagpapatupad ng programa ang RAKKK Prophet Medical Center Inc., Provincial Health Office, Rizal Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, SOLCOM, Quezon Provincial Hospital Network, Batangas Medical Center, Rizal Eye Center, East Avenue Medical Center, at iba pang private doctors na parating katuwang upang maging possible ang programa.
Katuwang din sa nasabing aktibidad ang ang Provincial Social Welfare and Development Office, Provincial Treasurer's Office, at lokal na pamahalaan ng San Antonio.
Kasabay ng medical mission ay ang pamamahagi ng essential medicines para sa 14 na Barangay ng bayan ng San Antonio na naglalayong makatulong sa mga mamamayan na nagangailangan. (Ruel Orinday-PIA Quezon)