No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Karagdagang benepisyo sa pagiging miyembro ng PhilHealth, tinalakay sa Kapihan sa PIA Quezon

LUCENA CITY, Quezon (PIA) — Inilahad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Calabarzon ang mas pinalawig na benepisyo na kaakibat ng karagdagang kontribusyon para sa mga miyembro ng PhilHealth simula ngayong taon.
 
Sa idinaos na Kapihan sa PIA Quezon kamakailan, binigyang linaw nina Dr. Danilo Reynes, Regional Vice President;  Arturo C. Ardiente, at Dr. Maria Theresa Liwanag ang mga benepisyong nakalaan para sa mga miyembro nito.
 
Unang binigyang diin ng mga opisyal ang karampatang kontribusyon na itinaas sa 5% bilang maximum contribution na siyang premium rate para sa lahat ng miyembro simula ngayong 2024.
 
Ayon kay Reynes, naka-depende ang premium rate ng PhilHealth na iniatang ng batas sa pagpapalawak ng mga benepisyong pang-kalusugan.
 
Binigyang diin rin ng mga opisyal ang lehislatibong pagpapatupad ng naturang kontribusyon na sinusunod lamang nila, at maaari lamang mabago kung magkakaroon ng lehislatibong aksyon na walang alinlangang susundin ng kanilang tanggapan.
 
Samantala, nilinaw  ni Ardiente ang kaukulang mandato sa pagkakaroon ng 'lifetime membership'.
 
“Kapag hindi nyo inabot ‘yong 56 years old [uniformed personnel], na hindi kayo nakapag-retire ng ganoon, you have to wait for the 60 years old para maging lifetime member. In the meantime na wala kayong coverage you have to pay in accordance of your capacity to pay,” paliwanag ni Ardiente.
 
Samantala, ipinaliwanag naman ni Liwanag ang sistema sa pagkuha ng mga benepisyo pagdating sa tinatawag na Social Health Insurance ayon sa case rate depende sa kaukulang sakit na mayroon ang isang miyembro. Aniya, nagkakaroon ng kalituhan dahil sa usaping 50% coverage ng health insurance mula sa PhilHealth.
 
Samantala, nabatid din sa Kapihan sa PIA- Quezon na sakop ng benepsiyo bilang pagtugon sa Universal Health Care (UHC) Act.
 
Kabilang dito ang in-patient benefits para sa mga benepisyaryo na may medical condition at kinakailangang sumailalim sa surgical procedures; outpatient benefits para sa mga piling serbisyo na hindi na nangangailangan na ma-admit sa isang pasilidad; at ang Z benefits para sa mga malubhang karamdaman na nangangailangan ng magastos at mahaba na gamutan.
 
Kaugnay nito, naglabas ng 257.6 miyong piso ang PhilHealth  para sa pagpapalakas ng Konsulta Package sa mga accredited na pasilidad, kabilang ang inisyal at mga follow-up na pangunahing konsulatsyon, health screening, at assessment, at mga piling gamot batay sa reseta ng doktor.
                `
Nagbigay naman ng karagdagang paliwanag si Ardiente sa tatlong pamantayan ng pagpapatupad ng UHC sa mga benepisyong pang-kalusugan na dapat nakukuha ng mamamayan.
 
Ayon kay Ardiente, kasama dito ang population coverage kung saan lahat ng Pilipino ay may karapatan sa pagkuha ng serbisyong pangkalusugan; pangalawa ang service coverage kung saan mas palalawakin pa ang mga hatid na serbisyo; at pangatlo ang financial coverage kung saan ang 37% na sinasagot ng gobyerno ay nilalayong itaas ng pamahaalan hanggang sa makaabot sa libreng serbisyong hatid sa pangkalusugan.
 
Binigyang daan din sa usapan ang mas pinalawak at mga bagong benepisyong hatid ng PhilHealth sa mga Pilipino kung saan 30% ang naging increase sa bawat case rate. Isa na rito ang High Risk Pneumonia na mula sa 32,000 piso package ay umabot sa 90, 000 piso na benefit package.
 
Sa kabuuan, aabot na sa 122.3 biyong piso na benefit payment sa 12.6 milyon na kumuha nito. Maaaring makita ang iba pang mag benepisyo at coverage ng PhilHealth sa kanilang website – www.philhealth.gov.ph, at mayroon ding inilaan na PhilHealth My Member Portal para naman sa pagkumpirma sa kontribusyon ng mga miyembro nito.
 
Samantala, ayon sa datos na inilabas para sa taong 2023, 97% na ang nakarehistro bilang miyembro ng PhiHealth sa CALABARZON kung saan mula sa Laguna, Cavite, at Quezon pa lamang ang mayroong mga accredited na pasilidad para sa PhilHealth Konsulta Package at 64 na pasilidad dito ang matatagpuan sa lalawigan ng Quezon.
 
Samantala, binanggit din ni Reynes ang kahalagahan ng premium contribution ng mga miyembro ng PhilHealth  na siyang nakatutulong sa pagpapalawak at pagpapabuti ng mag serbsisyong pangkalusugan sa mamamayang pilipino.(Ruel Orinday-PIA Quezon)
 

About the Author

Ruel Orinday

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch