LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Nagkaloob ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng tulong pangkabuhayan para sa 10 dating persons deprived of liberty (PDL) at 20 residente sa lungsod ng Batangas sa ilalim ng ‘Nego Kart Project’ ng ahensiya.
Ang mga benepisaryo ay nagmula sa mga barangay ng Sta Rita, Calicanto, at Poblacion at kabilang sa ikalawang batch sa ilalim ng livelihood program ng DOLE.
Layon ng naturang programa na magatulong at makapagbigay ng hanapbuhay upang magkaroon ng sariling pagkikitaan gayundin ang pagsisimula ng isang maliit na negosyo na makakapagbigay tulong sa mga benepisaryo at pamilya nito.
Bukod sa foodcart, nabigyan din ang mga ito ng gasul na magagamit sa kanilang pagluluto habang inaabot ni Mayor Beverley Rose Dimacuha ang tulong mula sa pamahalaang lungsod kabilang ang mantika, limang pakete ng fishballs, squidballs at kikiam at iba pang gamit sa pagtitinda.
“Nawa ay pagyamanin at pahalagahan ninyo ang tulong na ito na pinagsumikapan ng DOLE at pamahalaang lungsod upang matulungan kayong maisaayos ang inyong pamumuhay at magkaroon ng maayos na kita. Pairalin ninyo ang disiplina at isaisip na gawing malinis ang mga paninda,” ani Dimacuha.
Iminungkahi din ni Dimacuha na maturuan sila ng isang eksperto hinggil sa financial management o paghawak ng pera upang mapalago ang kanilang kikitain mula dito.
Nagpaabot ng pasasalamat si DOLE Provincial Director Predelma Tan sa pagtangkilik at implementasyon ng pamahalaang lungsod sa kanilang mga programa.
Ayon kay Labor and Employment Officer Salvacion Kalalo, mayroong personal accident insurance ang mga benepisyaryo mula sa GSIS sa loob ng isang taon.
Nagkaloob naman si Congressman Marvey Mariño ng halagang magagamit ng mga beneficiaries upang maiuwi ang mga nego kart.
Nagpahayag ng lubos na pasasalamat ang mga tumanggap ng livelihood program at nangakong kanilang palalaguin at iingatan para sa ikabubuti ng kanilang pamumuhay
Pinangasiwaan ng Public Employment Service Office (PESO) na sya ring tanggapang magsasagawa ng monitoring sa mga benepisaryo ang pamamahagi ng Nego Kart. (BPDC, PIA Batangas)