LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) —Mas pinadali ng Commission on Election (Comelec) ang paraan ng kanilang pagpaparehistro sa pamamagitan ng ipinatutupad na “register anywhere program”.
Sa ilalim ng programang ito, sinumang indibidwal na nagnanais magparehistro ay papayagan saan mang lugar sa mga itinalagang RAP booths.
Kinakailangan lamang g magpresenta ng valid ID o student ID, sabihin kung saang bayan o lungsod gustong magparehistro at ang biometrics ay isasagawa sa booth bago ipadala sa sangay ng Comelec sa bayan o lungsod ng botante.
Samantala, alinsabay ng pagsasagawa ng University of Batangas ng Voter Registration and Education Fair 2024 ay nagsagawa rin ng RAP ang Batangas City Comelec dito.
Ayon kay Atty. Jonathan Carungcong ng Batangas City Comelec, patuloy ang kanilang ahensya sa pagseserbisyo at hinihikayat nila ang lahat ng mga estudyante na may kakayahang magparehistro upang makaboto pagdating ng eleksyon sa susunod na taon.
Tinalakay naman ni Election Assistant Liezel Gualberto kung sino ang mga kwalipikadong magparehistro.
Maaaring magparehistro sa kanilang tanggapan tuwing araw ng Lunes lamang.
Nakatakdang magtapos ang RAP sa Agosto13 habang ang voter registration naman ay tatagal hanggang Setyembre 30 ngayong taon. (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas may ulat mula sa PIO Batangas City)