QUEZON CITY -- May sampung katutubo mula sa Cassava Iraya Farmers Association (Casaya FA) at 12 katutubo mula sa Cassava Balao Farmers Association (CasBal FA) ang dumalo sa Rekomendadong Pamamaraan sa Pagtatanim ng Balinghoy, isang pagsasanay na pinangunahan ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng Abra de Ilog katuwang ang Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD).
Ang pagsasanay ay tumagal ng dalawang araw kada asosasyon na nagsimula noong ika-22 hanggang ika 25 ng Hunyo na ginanap sa Abra de Ilog demo farm. Tinuro ni MAO Julia Amodes sa mga kalahok ang benepisyo ng pagtatanim ng balinghoy at tamang pamamaraan ng paghahati-hati ng cassava cuttings. Nagkaroon din ng aktuwal na pagtatanim ng balingoy sa demo farm sa ilalim ng gabay ng mga MAO staff.
Isinabay na rin sa nasabing pagsasanay ang pagbibigay ng cassava cuttings sa mga katutubo. Pinaghatian ng Casaya FA at CasBal FA ang isang truck load ng cassava cuttings mula sa SAAD.
Ayon kay MAO Amodia, layunin ng pagsasanay na ito na mapataas ang inaaning balinghoy ng mga katutubo at matulungan sila sa kanilang cultural management sa pagtatanim ng balinghoy. Makakatulong ito para sa mga katutubo na magkaroon ng mas malaking ani at kita at makatulong sa pagtugon sa pangangailangan ng probinsiya ng balinghoy.
Ang Casaya FA at Casbal FA ay nakatanggap ng Cassava Granulator mula sa SAAD noong 2019. (DA-RFO IVB, RAFIS)