LUNGSOD NG MAYNILA -- Magtutulungan ang mga pangunahing ahensiya ng gobyerno na pinamumunuan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga pangunahing grupo ng negosyo upang lumikha ng isang milyong trabaho ngayong taon matapos lagdaan ni Presidente Rodrigo R. Duterte ang executive order na magpapatupad sa National Employment Recovery Strategy (NERS) at pagbubuo ng task force na mangangasiwa sa implementasyon nito.
Ang NERS ay isang plano para sa pagtaas ng empleo mula 2021 hanggang 2022 na naglalayong lumikha ng isang kapaligiran na naghihikayat sa pagbuo at mas madaling pagkakaroon ng trabaho, pangkabuhayan at oportunidad sa pagsasanay; maitaas ang kasanayan, kapakanan, at pagiging produktibo ng manggagawa; at pagbibigay suporta sa kasalukuyan at mga bagong negosyo upang mapanatili ang paglikha ng trabaho.
Pipirma ngayong Miyerkules sina Secretary Silvestre Bello III, kasama si Chairman Edgardo G. Lacson ng Employers Confederation of the Philippines, sa isang magkasamang proyekto na tinawag na Reform, Rebound, Recover: One Million Jobs for 2021, isang pangako na agad kukunin ang mga manggagawang Filipino para sa mga trabaho sa construction, manufacturing (particular sa semiconductors at electronics), tourism and hospitality, at export industry.
"Ang proyektong ito ay sumasabay sa ligtas at muling pagbubukas ng ekonomiya upang tugunan ang epekto ng matagal na community quarantine sa libo-libong maliliit na negosyo at milyon-milyong manggagawang Filipino,” pahayag ni Bello.
Kasama ni Bello at Lacson sa proyektong paglikha ng trabaho sina Trade and Industry Secretary Ramon M. Lopez, Hotel and Restaurant Association of the Philippines President Eugene T. Yap, Higher Education Commission Chairperson J. Prospero E. De Vera III, Philippine Constructors’ Association President Wilfredo L. Decena, Interior and Local Government Secretary Eduardo M. Año, at Philippine Hotel Owners Association President Arthur M. Lopez.
Kabilang din sa planong paglikha ng trabaho ang iba pang pinuno ng mga ahensiya at lider ng pribadong sektor na sina Transportation Secretary Arthur P. Tugade, Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines, Inc. President Danilo C. Lachica, Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, Philippine Chamber of Commerce and Industry President Benedicto V. Yujuico, Technical Education and Skills Development Authority Secretary Isidro S. Lapeña, at Philippine Exporters Confederation Inc. President Sergio Ortiz-Luis, Jr.
Sa ilalim ng Reform, Rebound, Recover: One Million Jobs for 2021, kikilalanin ng sektor ng negosyo/employer ang mga bakanteng trabaho mula sa mga miyembro nitong kompanya at ihahanap ng trabaho ang mga kwalipikadong aplikante subalit ngunit walang trabaho sa kasalukuyan.
Sa pamamagitan ng NERS Task Force, ang sektor ng pamahalaan ang mangangasiwa sa pagbabakuna ng mga kwalipikadong manggagawa para sa partnership project. Bukod sa iba pa, magbibigay din ito ng profile ng mga manggagawa na maaaring i-refer sa bakanteng trabaho, pagbibgay ng transportasyon sa mga manggagawang babakunahan, at pag-oorganisa ng job caravan. (DOLE)