LUNGSOD NG MAYNILA -- Sasailalim sa beripikasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang vaccination card ng mga uuwing overseas Filipino worker (OFW) na binakunahan laban sa Covid-19 sa ibang bansa, pahayag ni Secretary Silvestre Bello III.
Batay sa IATF Resolution No. 123-C, item no. 3(ii), sinabi ni Bello na dapat dala ng OFW na kumpletong nabakunahan sa mga bansa o sa labas sa hurisdiksiyon ng Pilipinas ang kanilang opisyal na dokumentasyon o International Certificate of Vaccination na may beripikasyon ng POLO na nagpapatunay na kumpleto ang kanilang bakuna.
Maliban sa vaccine card o alinmang dokumento na nagpapatunay na sila ay nabakunahan, kailangan ding iprisinta ng mga uuwing OFW ang kanilang balidong pasaporte o travel document at beripikadong employment contract sa mga tanggapan ng POLO sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan.
Online ang aplikasyon para sa beripikasyon gamit ang ONEHEALTHPASS PORTAL, na makikita sa https://www.onehealthpass.com.ph/e-HDC/
Sa ilalim ng DOLE Department Order No. 226 series of 2021, ang mga OFW na itinuturing na “may kumpletong bakuna” ay tumutukoy sa “indibidwal na nakatanggap ng mahigit o katumbas ng dalawang linggo matapos mabakunahan ng pangalawang dosis ng bakuna, sa two-dose na uri ng vaccine; o kaya ay mahigit o katumbas ng dalawang linggo matapos matanggap ang single-dose na uri ng vaccine.
Kinakailangan na ang mga bakunang ibinigay sa mga indibidwal ay kabilang sa listahan ng alinman sa Emergency Use Authorization (EUA) List of Compassionate Special Permit na inisyu ng Philippine Food and Drug Administration o Emergency Use Listing ng World Health Organization.
Nauna rito, inaprubahan ng IATF sa pamamagitan ng Resolution Nos. 123-C at 124-A, Series 2021 ang implementasyon ng pinaikling facility-based quarantine para sa mga pauwing OFW na may kumpletong bakuna.
Kasama ang mga OFW na ekslusibong nanatili sa mga “green country” o sa mga nasasakupan na may 14 na araw bago dumating ng Pilipinas, epektibo ito simula Hulyo 1, 2021.
Batay sa ebalwasyon ng IATF, ituturing na “low-risk” ng Department of Health ang mga green countries at jurisdiction.(DOLE)